PatrolPH

'TV Patrol' anchors kinagiliwan sa pag-TikTok dance

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2021 03:54 PM

Napasayaw ang 'TV Patrol' anchors na sina Noli de Castro, Bernadette Sembrano at Henry Omaga-Diaz sa 'Gimme Hope Jo'anna,' isang kantang patok sa video-sharing app na TikTok. Screengrab
Napasayaw ang 'TV Patrol' anchors na sina Noli de Castro, Bernadette Sembrano at Henry Omaga-Diaz sa 'Gimme Hope Jo'anna,' isang kantang patok sa video-sharing app na TikTok. Screengrab

Maraming netizen ang natuwa sa mga anchor ng "TV Patrol" nang umindak sila sa isang kantang patok sa TikTok habang tinatapos ang kanilang newscast noong Biyernes.

Matapos ipalabas ang report tungkol sa mga social media challenge, napasayaw ang anchor na si Henry Omaga Diaz, na naging dahilan ng pagtawa ng kasamahan niyang si Bernadette Sembrano.

"One more time. Bihira 'yon eh," sabi ni Sembrano.

"Ginagaya ko lang 'yong bata," sagot naman ni Diaz, na tinutukoy ang huling pinalabas na report.

Matapos magpaalam ni Noli De Castro — na nasa loob ng studio at hiwalay sa kaniyang co-anchors — sa mga manonood, pinatugtog ang "Gimme Hope Jo'anna," na sikat na kanta sa video-sharing app na TikTok.

Watch more on iWantTFC

Sa pagkakataong iyon, napasayaw na ang lahat ng anchor. Maya-maya ay mapapanood pa si Sembrano na nagsabing, "Tama na" pero tuloy pa rin siya sa pagsayaw.

Isa sa mga nag-post ng video ng pagsayaw ng mga anchor ang Instagram account na si @kabulastugan.

Sa ngayon, umani na ng higit 84,000 views ang post ni @kabulastugan. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by KABULASTUGAN (@kabulastugan)

Nag-iwan din ng komento ang ilang kilalang personalidad, tulad ni dating Teleradyo anchor DJ Chacha na tinawag na "cute" si De Castro, Angel Locsin na nag-iwan ng 3 heart emoji, at Star Patrol anchor Gretchen Fullido na nagsabing "Winner!!"

Mapapanood ang "TV Patrol" tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-6:30 ng gabi sa Kapamilya Channel, ANC at Kapamilya Online Live.

Maaari rin itong ma-stream sa iWant TFC, news.abs-cbn.com at YouTube channel ng ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.