Magkasintahan, nagkakilala sa quarantine facility sa Davao Occidental

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2020 03:34 PM | Updated as of Aug 16 2020 03:57 PM

Watch more on iWantTFC

Sa kabila ng pinapairal na physical distancing para maiwasan ang hawahan ng bagong coronavirus, sino ang mag-aakalang mahahanap pa rin ang taong gugustuhing makasama habambuhay?

Itinampok sa "ASAP" ngayong Linggo ang kuwentong pag-ibig nina Jiel Malda at Mirasol Miguel, magkasintahang nagkakilala nang manatili sa quarantine facility sa bayan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Ikinuwento ni Miguel, 17, na 3 buwan siyang na-stranded nang maabutan ng lockdown sa Davao City, kung saan pinagsabay niya ang pagtatrabaho at pag-aaral.

Nagtatrabaho naman si Malda sa General Santos City pero napauwi sa Jose Abad Santos dahil sa pandemya.

Nagkasama umano ang dalawa sa iisang kuwarto sa quarantine facility sa naturang bayan, kung saan nabuo ang kanilang pag-iibigan.

"Doon kami nagkakilala ni Mirasol sa room. Iisang kuwarto lang kami kasama ng mama niya," kuwento ni Malda.

"Nakipagkaibigan po si Jiel sa amin at nakikipag-usap siya sa amin tungkol sa bible," sabi naman ni Miguel.

Habang nasa quarantine, tinutulungan umano ni Malda si Miguel sa pagluluto at paglalaba, hanggang sa nanligaw ang binata.

Ngayong nakalabas na sa pasilidad, nagpasya ang dalawa na magpakasal, ayon sa tiyahin ni Malda at ina ni Miguel.

Hinandugan naman ng Kapamilya singers na sina Jason Dy, Nyoy Volante, Jona, at Kyla ng mga awitin ang magkasintahan sa "ASAP."