Nasungkit ni Ryle Nicole Custodio, 22 anyos ang grand prize sa prestihiyosong 2021 Busan Choral Composition Competition. Siya ang tinanghal na first place winner mula sa 54 na piyesa mula sa 28 iba-ibang bansa. Inilahok niya ang kanyang piyesang “Tagu-taguan” na hango sa tradisyunal na laro ng mga bata.
Ang piyesa ni Ryle Custodio na "Tagu-taguan"
Makatatanggap si Custodio ng sertipiko, tropeo at cash prize na nagkakahalaga ng $3000 o katumbas ng mahigit 150,000 pesos sa Nobyembre 2021, dalawang linggo matapos ang Busan Choral Festival & Competition na gaganapin sa October 21-23, 2021.
Kakagradute lang ni Custodio nitong Hulyo sa UP Diliman College of Music sa kursong Bachelor of Music, major in Composition and minor in Viola and Kulintang Performance.
“Una kong sinulat ang "Tagu-taguan" noong 2019 as a requirement sa isa kong major subject (MuK 163 or Choral Writing) under Prof. Josefino Chino Toledo...simple lang naman 'yung gusto ko sabihin doon sa piyesa na 'yun. Gaya ng halos lahat ng batang Pinoy, naglaro din ako ng Tagu-taguan dati kasama ang mga kaklase at kapitbahay ko noon. Gusto ko lang i-reminisce 'yung childhood memories na yun through music. At siyempre, being the nationalist that I am, gusto ko magsulat ng piyesa na nag-iincorporate ng Filipino culture,” kuwento ni Custodio.
Hindi umano inasahan ni Custodio na siya ang mananalo sa kompetisyon dahil sa dami ng lumahok at mula pa sa iba-ibang panig ng mundo ang mga composers.
“Sobrang goosebumps and shocked noong nareceive ko 'yung email nila about my win! Funny nga kasi sobrang late pa ako nagising noong July 20, 2021 when they announced the winners, and then noong nabasa ko yung email, 'di ko na kinailangan ng kape kasi sobrang nabuhayan agad diwa ko!
This award means so much to me kasi napatunayan ko na angat talaga ang galing ng mga Pilipinong kompositor at ng musikang Pilipino,” sabi ni Custodio.
Hindi ito ang unang beses na nagbigay karangalan sa Pilipinas ang batang composer dahil siya ang kauna-unahang Filipino young composer na nagwagi ng Equal First Prize sa prestihiyosong Asian Composers League Young Composers Prize Competition na ginanap sa Taiwan noong 2018.
Si Ryle Custodio nang tinanggap ang kanyang Equal First Prize Award sa Asian Composers League Young Composers Prize Competition sa Taiwan noong 2018
Ang kanyang piyesang Tagu-taguan ay kakantahin ng UP Madrigal Singers kasama ang kanilang Director na si Prof. Mark Anthony Carpio at ipapalabas sa October 23, 2021 sa Youtube channel ng BCFC.
Kasalukuyang nag-aaral ng abugasya si Custodio sa University of Santo Tomas:
“Sa UP College of Music kasi, we're fortunate enough na tinuturuan kami ng Philippine music. And in my six years of studying it, nalaman ko na there is truly a need for us to protect our indigenous people from state oppression - the people whose music we study in the academe.”
Si Ryle Custodio hawak ang bandila ng Pilipinas sa Awarding Ceremony ng 35th Asian Composer's League Young Composers Prize sa Taiwan taong 2018
At mensahe niya sa sa mga tulad niyang kabataang Pinoy kompositor at musicians.
“...ang maipapayo ko sa mga aspiring composers at musicians: know yourself, your culture, and your society...Hindi ka pwedeng magsulat tungkol sa isang problema sa mundo kung hindi mo pa kilala sarili mo nang lubusan; ang kalalabasan nun is a piece of music that is devoid of your voice as a human. You have to know yourself and your style first, then your culture and background, then the society in general. Kapag nalampasan mo na 'yan lahat, you would have tons of inspirations for your music and the world would be your oyster.”
tfc news, Philippines, Busan South Korea, 2021 Busan Choral Composition Competition, young Pinoy composer