PatrolPH

ALAMIN: Paano ba maging organ donor?

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2021 05:07 AM

MAYNILA — Susi ang organ donation para makapagsagip ng buhay na nangangailangan ng transplant, ani Renal Gift Allowing Life for Others (Regalo) sa komemorasyon ng naturang praktika.

Tuwing Agosto 13 pinagdiriwang ang World Organ Donation Day upang mahikayat ang publiko na i-donate ang kanilang mga organ at tissue matapos ang kanilang pagpanaw. 

Layunin din ng selebrasyon na mabigyan pa ng kaliwanagan ang lahat hinggil sa organ donation.

“May pandemya man o wala, naniniwala ang Regalo Organ Donation Advocacy Group sa kahalagahan ng organ at tissue donation sa bansa na makapag-sagip ng buhay,” sinabi ng grupo sa ABS-CBN News.

“Kung magkakaroon lamang na sapat at wastong impormasyon ang bawat Pilipino na ‘wag matakot na maging organ at tissue donor ngayon man o sa hinaharap, maraming buhay ang mababago. Wala nang habangbuhay na magda-dialysis kung magkakaroon ng kidney transplant. Wala nang mabubulag kung magkakaroon ng corneal transplant,” dagdag pa nila. 

Narito ang ilang sagot sa mga katanungan hinggil sa organ donation.

ANO ANG ORGAN AT TISSUE DONATION?

Batay sa depinisyon ng Regalo Organ Donation Advocacy Group, ang organ at tissue donation ay boluntaryong pagbibigay ng isang tao ng kanyang mga organ at tissue sa mga pasyenteng nangangailangan nito.

Ang mga organ at tissue na maaaring ibigay ng isang donor ay ang mga sumusunod:

  • heart
  • lungs
  • liver
  • kidneys
  • intestines
  • pancreas
  • cornea
  • tendons
  • valves
  • veins
  • skin
  • bones

URI NG MGA DONOR

Mayroon dalawang uri ng mga donor: ang living at deceased donors. Ang living donors ay mga taong maaaring mag-donate ng kanilang mga organ at tissue habang buhay pa. 

Samantala, ang mga deceased donors naman ay mga taong naaksidente, inatake sa puso o nakaranas ng stroke na idineklara nang brain dead ng mga doktor.

Anila, ang brain death ay kapag hindi na gumagana at patay na ang utak ng tao o tanging makina na lamang ang bumubuhay sa kanyang mga organ.

Gumagana ang mga organ at maaari pang pakinabangan ang mga tissue para sa donasyon, dagdag pa ng grupo.

Sino ang magbabayad ng mga gastusin sa ospital kapag nag-donate ng tissue at organs?

Paglilinaw ng Regalo na walang babayaran ang mga organ o tissue donor sa pagkuha at pagdo-donate ng kanilang organ at tissue. 

Anila, ang pamilya ng organ at tissue recipient ang sasagot ng anumang gastusin sa operasyon. 

Paano maging isang organ at tissue donor?

Mayroong organ donor card ang mga advocacy groups na kinakailangang sagutan at dapat ding ipaalam sa pamilyang tutulungan sapagkat sila ang magdedesisyon para tanggapin ang donasyon. 

Para sa mga nais maging donor, lagi lamang dalhin ang inyong donor card at valid ID sa lahat ng oras.

Maaaring makipag-ugnayan sa mga advocacy groups upang ipaalam ang inyong intensyon at mga sagot sa ilan pang mga katanungan hinggil sa organ at tissue donation. 

Renal Gift Allowing Life for Others (Regalo)
Facebook: Regalo Organ Donation Advocacy
E-mail: regalo.advocacy@gmail.com

Kidney Transplant Association of the Philippines (KITAP)
Phone number: 02 9258749
E-mail: kitap_pilipinas@yahoo.com.ph

National Kidney and Transplant Institute Human Organ Preservation Effort (HOPE)
Phone number: 02 9244673
E-mail: hope@nkti.gov.ph

Philippine Network for Organ Sharing
Phone number: 02 6517800 loc. 2907
E-mail: philnos.doh@gmail.com

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more News on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.