KILALANIN: 16 anyos na ballerina na humakot ng mga medalya sa HK competition

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2019 12:39 PM

Retrato mula sa Rhythm and Dance Center

Passion o labis na pagkahilig at pagpupursigi ang nagtulak kay Julianna Monique Liwanag para maging mahusay sa larangan ng pagsasayaw.

Si Liwanag ang 16 anyos na ballerina mula San Fernando, Pampanga na nag-uwi noong nakaraang buwan ng 3 medalya mula sa isang pandaigdigang timpalak na idinaos sa Hong Kong

"'Yon po kasi 'yong passion ko. Like gustong-gusto ko pong gawin talaga," sabi ni Liwanag sa panayam ng ABS-CBN News.

Nakamit ni Liwanag ang gintong medalya para sa solo dance contemporary category sa Hong Kong Challenge Cup Dance Competition.

Bukod doon, nakuha rin niya ang silver na medal sa group jazz contemporary at bronze sa solo classical.

Inamin ni Liwanag na nakaramdam siya ng kaba sa gitna ng timpalak.

"Inisip ko na lang na parang nasa studio ako tapos 'yong teacher ko na lang po 'yong nanonood sa'kin," ani Liwanag.

"Iba po pakiramdam sa stage [kaysa] sa practice lang sa studio kaya parang na-boost po ako doon," dagdag niya.

Labintatlong taong gulang si Liwanag nang pasukin ang mundo ng ballet.

Nag-umpisa siya sa panonood ng mga video tutorial sa internet at sinanay ang sarili sa bahay. Kalaunan ay ipinasok na siya sa ballet class.

"Una kasi gymnastics talaga 'yong gusto niya. Since walang gymnastics dito, sabi ko try niya, ballet... nagustuhan naman niya," ani Ylaine, ina ni Julianna.

Sa kabila ng pagiging abala sa pagsayaw, hindi naman napabayaan ni Liwanag ang kaniyang pag-aaral.

Grade 11 na ngayon si Liwanag sa isang pribadong paaralan sa San Fernando.

Pinaghahandaan ngayon ni Liwanag ang timpalak ng Association of Ballet Academies of the Philippines na idaraos sa Agosto 24 at 25 sa Meralco Theater sa Pasig.

-- Ulat ni Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.