ALAMIN: Organs na puwedeng i-donate, sino ang puwedeng mag-donate

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2019 04:00 PM | Updated as of Aug 12 2019 04:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakatutulong ang organ transplantation para mapahaba at masagip ang buhay ng isang taong may kapansanan o malapit nang maging palyado ang organ.

Pero binigyang diin ng isang doktor na hindi basta-basta ang proseso ng organ transplantation dahil kailangang matiyak ang kaligtasan ng magbibigay at tatanggap ng organ.

"Mayroon tayong mga sinusunod na batas, may sinusunod tayong mga alituntunin para masigurado nating mapo-protect natin ang welfare ng both the donor and recipient," sabi sa programang "Sakto" ng DZMM ni Dr. Francisco Sarmiento III, program manager sa Philippine Network for Organ Sharing ng Department of Health.

Ang organ transplantation ang medikal na proseso ng paglilipat ng organ o laman mula sa isang donor papunta sa recipient.

"Depende 'yan sa bahagi ng katawan na ido-donate at ita-transplant," ani Sarmiento.

Ayon kay Sarmiento, karaniwang itina-transplant ang kidney o bato, liver o atay, at lungs o baga.

Bukod sa mga solid organ, maaari rin daw ipagkaloob sa ibang tao at ilipat ang mga mata, buto, bone marrow, balat, at maging blood vessels, ayon kay Sarmiento.

Hindi rin kailangang buong organ ang ipamimigay o ililipat dahil may ibang organ na puwedeng parte lang.

"May mga bahagi ng katawan na puwedeng part lang. Kamukha ng liver, puwedeng isang lobe lang. Sa lungs, puwede ring isang part lang ng lobe," paliwanag ni Sarmiento.

SINO-SINO PUWEDENG MAGHANDOG NG ORGAN?

Ayon kay Sarmiento, sa ilalim ng batas, maaaring mag-donate o magbigay ng organ ang mga taong nasa edad 18 pataas basta may pahintulot.

Kailangan muna raw sumailalim sa sari-saring laboratory examination ang donor para makita kung malusog ang pangangatawan nito at puwedeng mag-donate.

"Dapat wala sila siyempre existing illness, walang blood infections, kasi mahahawa naman 'yong ating pasyente (na paglilipatan ng organ)," ani Sarmiento.

Dadaan din muna sa pagsusuri para malaman kung match o tugma ang donor sa recipient, ani Sarmiento.

Mainam din daw ang magkaroon ng donor na kaanak maliban kung genetics o nasa lahi ang sanhi ng sakit na nagpapalya sa organ ng recepient.

Iginiit din ni Sarmiento na "unethical" o labag sa mga pamantayang moral ang pagbibigay ng organ kapalit ng pera.

"No expectation of monetary exchange. Otherwise mapupunta na tayo doon sa unethical and illegal process ng pagdo-donate ng mga bahagi [ng katawan]," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.