‘Akala ko po hindi totoo’: Pinay, nagulat na may billboard siya sa New York

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2019 04:32 PM | Updated as of Aug 12 2019 04:46 PM

MANILA – Hindi inakala ni Tiffany Candelaria na aabot ang kanyang mga retrato sa Twitter sa New York.

Nagulat na lamang ang 24-taong gulang na Pinay nang makakuha siya ng mensahe galing mismo sa Twitter na sinasabing napili ang kanyang post sa kanilang bagong ad campaign.

Makikita ngayon sa isang subway station sa New York ang billboard ng Twitter post ni Tiffany na kuha sa Boracay noong Mayo.

“Sobrang natuwa po as in 'di ko po in-expect,” pagbahagi ni Tiffany sa panayam sa DZMM nitong Lunes. “Noong nag-notify po ‘yung Twitter, akala ko po talaga hindi totoo, akala ko po spam lang kaya hindi ko pinansin.”

“Tapos noong totoo nga po at kinonfirm nila, sobrang nagulat po ako.”

Dagdag ni Tiffany, nais niyang magkaroon ng pagkakataon na makita ang billboard niya nang personal.

“Iniisip ko po, parang gusto kong pumunta ng New York ngayon… Siyempre once in a lifetime lang po ‘yun eh,” aniya.

Ayon kay Tiffany, may ipapadalang “thank you package” sa kanya ang Twitter dahil isa siya sa mga napili sa kanilang ad campaign.

Nang tanungin tungkol sa kuwento sa kanyang viral na Twitter post, sagot niya: “Sa social media siyempre po, may iba’t ibang content po ‘yung nilalagay, di ba? So ako, ang meaning po ng photo is sa Twitter po, mas totoo po ako sa mga opinyon kasi doon po talaga ‘yung safe space ko para mag-share.”

“[Depende po talaga] sa kung paano po talaga ayusin ang sarili sa picture.”

Narito ang panayam ni Tiffany sa DZMM:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.