'ASAP TLC': Relasyong nagsimula online, pinagtibay ng harana

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2018 04:28 PM

Sinong mag-aakala na sa simpleng post online ay uusbong ang isang matamis na pagmamahalan?

Ito ang pinatunayan ng pag-iibigan ng magkasintahang sina Kay Panganiban at RJ Araja na kanilang ibinahagi sa "TLC" segment ng "ASAP."

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula na maging magkaibigan ang dalawa nang mag-post si Panganiban sa Facebook na sinagot naman ni Araja.

"Noong ni-reply-an niya ako ng 'ayaw ko,' nireplyan ko siya ng 'KJ'," saad ni Panganiban.

Sa nakatutuwang pag-uusap online nag-umpisa ang malalim na pagsasama ng dalawa.

"Habang tumatagal, nakita ko sa kaniya ang mga qualities na hinahanap ko sa babae," ani Araja.

Kalaunan ay naging mas madalas at mas lumalim ang palitan nila ng mga mensahe. 

"Ini-express ko sa kaniya lahat ng feelings ko," kuwento ni Panganiban. 

"'Yong mga 'good morning' text, 'ingat pagpasok,' 'ingat pag-uwi,' 'kumain ka na ba'," dagdag ni Panganiban.

Makalipas ang isang taon ay personal na nagkita ang dalawa.

Ginawa itong mas espesyal ni Araja nang sorpresahin niya ng mga bulaklak si Panganiban para sa Valentine's Day.

Mula sa una nilang pagkikita, napagdesisyunan ng binata na pormal nang ligawan ang dalaga.

[PLEASE BOLD] Harana

Hindi lang si Panganiban ang kinailangang suyuin ni Araja, dahil maging ang pahintulot ng mga magulang nito ay kailangan niya ring makuha. 

"Nabanggit ko rin sa kaniya na since hindi pa ako nagkaka-boyfriend, so mas maganda kung maipagpaalam ako sa parents ko," kuwento ni Panganiban. 

Bilang patunay ng sinseridad sa pagmamahal ni Araja kay Panganiban, hindi siyang nagdalawang-isip na gawin ito.

Kasama ang kaniyang mga kaibigan, nagtungo si Araja sa bahay ni Panganiban para maghandog ng harana.

"Pagdating ko sa lugar nila, hindi agad namin nakita 'yong bahay ni Kay. Nagtanong kami sa barangay tanod. Pagdating ko sa tapat ng bahay nila, kinabahan agad ako," ani Araja.

Hindi naman makapaniwala si Panganiban na gagawin ito ng binata.

"Sobrang gulat na gulat [ako], nakita ko siya may dalang mga bulaklak at 'yong mga friend niya at 'yon kumakanta sila," ani Panganiban.

Matapos makilala ni Araja ang mga magulang ni Panganiban, ipinakilala naman ng binata sa kaniyang mga magulang ang nililigawang dalaga.

Bilang handog sa matamis na kuwento ng magkasintahan, kinantahan sila nina Erik Santos, Angeline Quinto, at Yeng Constantino ng awiting "Harana" ng Parokya ni Edgar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.