PANOORIN: Bulag na aso muling nakakita

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2019 02:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tila isang himala ang nangyari nang mabalik ang paningin ng asong Pinoy (aspin) na si Argus, na ngayo'y nagsisilbing tagapaghatid ng saya sa mga taong nangangailangan ng tulong emosyonal.

Masama ang lagay ni Argus nang unang matagpuan noon sa Barangay Kapitolyo, Pasig City, ayon sa kaniyang "fur mom" o tagapag-alaga na si Jeng Mamiit.

"Walang buhok, punong-puno ng ticks and fleas, [at] puting-puti na 'yong mata niya," ani Mamiit sa panayam ng "Matanglawin."

"Sabi irreversible na raw 'yong blindness," aniya.

Pero matapos masagip at gamutin ang mata sa loob ng ilang buwan, matagumpay na naibalik ang paningin ni Argus.

"Since then, happy and healthy boy na siya," ani Mamiit.

Isa si Argus sa mga asong bahagi ng Doctor Dogs Program ng Philippine Animal Welfare Society.

Sa ilalim ng programa, magkasamang namamasyal si Mamiit at Argus sa iba't ibang lugar para magbigay saya sa mga taong nangangailangan ng tulong emosyonal gaya ng mga pasyente sa ospital at mga bata sa ampunan.

Tatlong taon nang bahagi si Argus ng nasabing programa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.