PatrolPH

Trolley na panghanapbuhay, pang-graduation din sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2021 04:58 PM

MAYNILA — Isang mobile graduation ceremony ang paraan ng isang guro para mas ipagdiwang ang tagumpay ng ilang senior high school students ng Sanmandelcar National High School sa Tagkawayan, Quezon.

Kwento ng Bayan Patroller at teacher na si Alvin Butardo, hiling ng kaniyang mga estudyanteng magkaroon sila ng mobile graduation ceremony kahit tapos na ang kanilang virtual graduation noong ika-17 ng Hulyo.

 

Isang trolley na ginagamit na transportasyon sa riles ng tren ang rumonda para maisagawa ang mobile graduation noong ika-23 ng Hulyo.

Bilang regalo sa kanila, nilagyan ni Teacher Alvin ng dekorasyon ang isang skates o trolley, para magsilbing background sa photoshoot ng mga estudyante, na pawang sa tabi ng riles nakatira.

Pamamasada ng trolley ang kabuhayan ng kanilang pamilya.

“Gusto ko pong maramdaman ang spirit of graduation ceremony ng mga bata sa kalagitnaan ng pandemya na nararanasan ng bansa,” ani Teacher Alvin.

Tiniyak ng guro na sumunod sila sa health protocols habang isinasagawa ang mobile graduation.

Ayon sa head teacher ng paaralan na si Oriel Dapo, pinayagan nila ang nasabing konsepto dahil sa maganda nitong intensyon. 

“Na-boost 'yung morale ng mga bata na lalo pa nilang pagsikapan ang pag-aaral ... Congratulations at salamat sa pagiging bahagi ng eskuwelahan ... Hangad ko na sa darating na mga panahon ay maging matagumpay sila," mensahi ni Dapo sa mga nagsipagtapos.

— Ulat ni Cielo Gonzales, Bayan Mo, I-Patrol Mo

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.