Sobrang pagbabawas ng timbang, sanhi ng gallstones?

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2019 06:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Mas mataas ang tsansang magkaroon ng gallstones o bato sa apdo ang sobrang pagdidiyeta o pagbabawas ng timbang, ayon sa isang gastroenterologist. 

Paliwanag ni Dr. Josef Carlo Lazaro sa programang "Good Vibes" ng DZMM, maaaring magkaroon ng gallstones kapag hindi ito masyadong nagagamit. 

Ang gall bladder kasi ang nagsisilbing storage ng taba na nakukuha sa kinakain, bago ito pumunta sa bituka. 

Kapag matagal aniyang hindi nagagamit ang apdo ay mamumuo ang bile na siyang pangunahing sanhi ng gallstones. 

"Nag-fast ka masyado... So 'yong gallbladder mo masyadong tahimik, hindi gumagana so nagkakaroon ng stasis, hindi nare-renew 'yong bile mo so puwede siyang mabuo," ani Lazaro. 

Payo ni Lazaro sa mga nagdidiyeta na siguruhing nasa 1-2 pounds lang ang binabawas na timbang kada linggo. 

Ang pangunahing sintomas ng gallstones ay pananakit ng apdo at ang pahirapang pagtunaw ng pagkain. 

Naaalis ang gallstones sa pamamagitan ng ilang medical procedures gaya ng pag-dissolve dito, at ang pagtanggal ng mismong gall bladder. 

Pero giit ng doktor, wala naman daw epekto sa katawan ang pagtatanggal ng apdo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.