Anonymous donor nagpasaya sa mag-inang gumagawa ng clay keychain

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 04:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mahirap magpalaki ng anak dahil bukod sa pagkalinga, nariyan din ang pinansiyal na pangangailangan para maitaguyod sa araw-araw ang pamilya. 

Pero doble ang sakripisyo ng mga magulang na nagtataguyod sa mga anak nilang may espesyal na kondisyon. Ang nanay na si Criselda mula sa Pasig City ay halimbawa nito. Ang kaniyang 10 taong gulang na anak na si Justincris Salva ay na-diagnose na may high-functional autism.

Ayon kay Criselda, dati ay hirap makapag-focus si Justincris sa mga gawain at hindi rin nakikipag-eye contact. 

Kalaunan ay bumuti ang lagay ng bata nang makakuha ito ng therapy ngunit isang beses sa isang linggo lamang ito nangyayari dahil nahihirapan si Criselda na matustusan ang sana ay tatlong beses kada linggo na session.

"Ngayon nagbago na kahit papaano, nakakarinig na at tumitingin na siya sa akin," kuwento niya tungkol sa anak. 

Noong limang taon si Justincris, nadiskubre ni Criselda ang angking galing ng bata sa paglikha ng mga piyesang gamit ang clay.

"Binibili ko siya ng clay, nagbubuo-buo na siya. Hanggang bili lang ako nang bili ng clay, basta gusto niya ng clay," saad ng nanay.

Binebenta ni Criselda ang mga obrang clay ni Justincris na ginagawa nilang keychain sa halagang P10 bawat isa.

Upang matulungan ang pamilya ni Criselda, malugod silang niregaluhan ng isang tao na hindi na nagpakilala. Nagbigay ang donor ng P10,000, mga laruang clay, at mga grocery na makatutulong na matugunan ang pangangailangan ng pamilya lalo na sa gitna ng pandemya.

Lubos naman ang pasasalamat ni Criselda sa tumulong.

"Ganoon talaga, kapag magulang ka ng may disability kailangan magpakatatag. Kahit anong marinig mo na kahit hindi maganda, harapin mo na."