PWDs, tinuruang gumawa ng krayola para kumita at sumaya

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2017 09:57 PM | Updated as of Aug 05 2017 03:40 AM

Tinutulungan ngayon sa Iloilo ang persons with disability (PWDs) na kumita sa pamamagitan ng paggawa ng mga krayola mula sa prutas, gulay, at bulaklak.

Malapit sa puso ng Hapon na si Shinnosuke Amano ang mga bata, kaya nais niyang gumawa ng mga produktong makapagpapasaya sa kanila. 

Dahil mahilig din si Shinnosuke sa sari-saring prutas at gulay, naisip niyang baka maaaring gumawa ng mga krayola para sa mga bata gamit ang makukulay na pagkaing ito.

Lumapit si Shinnosuke sa mga PWDs sa New Lucena, Iloilo para na rin turuan silang gumawa nito at upang maging bahagi ng misyon niyang makapagpasaya ng mga tao. 

Aniya, paraan na rin ito upang mabigyan ng kabuhayan ang mga PWDs, lalo't may ibang hindi talaga makalabas ng kanilang mga bahay. 

Para makagawa ng krayola, inilalagay muna ang prutas, gulay, o bulaklak sa drier sa loob ng lima hanggang anim na oras. 

Kapag natuyo na, inilalagay ito sa blender para gawing powder. 

Inihahalo ito sa harina, food coloring, at beeswax.

Initin ito upang matunaw, saka ilipat sa hulmahan at iwan upang tumigas. 

Dahil natural ang mga ginamit, non-toxic ang mga krayolang ito kaya ligtas gamitin ng mga bata. 

Sa loob ng isang araw, tatlong kahon ng krayola na may sampung kulay ang nagagawa ng tatlong PWD.

Laking pasasalamat naman ngayon ng mga PWD na kumikita ngayon sa paggawa nito. 

Pinag-aaralan naman ng lokal na pamahalaan kung paano maibebenta sa ibang lugar at sa labas ng bansa ang kanilang produkto. 

Pagkatapos ng misyon ni Shinnosuke sa New Lucena, balak naman din niyang tumulong sa mga PWD na makapagsuplay ng kanilang produkto sa ibang bansa.

-- Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.