ALAMIN: Paano makaiiwas sa cyberattack

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2017 09:05 PM

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte at ganap nang batas ang libreng Wi-Fi sa bansa, isa sa mga naipangako niya sa kaniyang unang State of the Nation Address. 

Layunin nitong makapagbigay ng 10 Megabits per second (Mbps) sa mga subscriber sa taong 2020, partikular na sa mga probinsiyang hindi pa nakakonekta sa internet.

Patikim pa lang daw ang libreng Wi-Fi sa EDSA na may 100 megabyte data cap.

Siniguro naman ni Assistant Secretary Allan Cabanlong ng Department of Information Communications and Technology na hindi basta-basta maha-hack ang impormasyon ng user ng free Wi-Fi. 

Pero kailangan pa rin aniyang maging maingat lalo na at may mga virus na kumakalat sa pamamagitan ng internet na minsan ay isinasakay pa sa mga link tulad ng mga prayer chain message.

Kadalasan ang mga naka-cellphone ang biktima ng virus o cyber attacks.

Ayon sa pag-aaral ng isang Russian cybersecurity at anti-virus provider na Kaspersky, mas madaling ma-hack o makuha ang personal na impormasyon ng user kapag mas mura ang cellphone. 

Paliwanag ni Vitaly Kamluk ng Kaspersky, abot-kaya man ang mga murang cellphone, kulang naman ito sa security features.

Ikawalo naman sa listahan ng biktima ng mobile attacks ang Pilipinas.

Naging biktima rin ng cyber attack maging ang malalaking kompanya, gobyerno, at embahada.

Nagmumula ang virus sa pagbisita sa mga infected websites o pag-download ng mga kahina-hinalang file sa computer.

Para sa mga cellphone user, madali naman anilang malaman kung may lamang virus ang pinapadalang link.

Paalala ng mga eksperto, huwag nang i-click ang link kung hindi kilala ang nagpadala nito at humihingi ng personal na impormasyon.

Sa mga mahilig namang mag-online shopping, kilalaning mabuti ang seller at hilingin sa banko na mabigyan ng SMS notification tuwing bumibili.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.