PatrolPH

TINGNAN: Artworks alay para kay Olympic silver medalist Nesthy Petecio

Bayan Mo Ipatrol Mo

Posted at Aug 03 2021 09:45 PM | Updated as of Aug 05 2021 07:41 PM

TINGNAN: Coffee at leaf art tribute para kay Olympic silver medalist Nesthy Petecio 1
Mga artwork nina Bayan Patroller MM Dacanay at Mark Daras

MAYNILA — Iba’t ibang artworks ang ginawa ng mga Bayan Patroller para bigyang papuri ang pagkapanalo ng silver medal ni Nesthy Petecio sa Tokyo Olympics nitong Martes. 

Sa Biñan, Laguna, isang leaf art ang ginawa ni Bayan Patroller MM Dacanay para sa Filipina boxer. 

Aniya, gamit ang dahon ng kamansi, cutter at scalpel inabot siya ng 6 oras sa paggawa nito.

Sa obra, makikita ang logo ng Olympics at emosyonal na mukha ni Petecio nang manalo at makapasok sa women’s featherweight finals ng Tokyo Olympics.

“Nanalo po siya ng silver medal sa Tokyo 2020 Olympics. Sobrang nakakaproud po maging Pilipino," aniya. 

Sa Tarangnan, Samar naman, isang coffee art ang ginawa ni Bayan Patroller Mark Noel Daras bilang pagsaludo sa galing ni Petecio. 

Gamit ang kape at creamer, inabot si Daras ng halos 4 oras sa paggawa nito. 

“Hanga po ako sa galing at lakas na ipinakita niya para manalo sa kompetisyon na ito, pinatunayan niya po na kayang makipagsabayan ng kababaihan sa larangan ng boxing," sabi ng Bayan Patroller.

Proud si Bayan Patroller Nik Ignacio, mula sa Rosario, Pasig City, sa mga atletang Pinoy na gumawa ng text art para kay Petecio.

“Ballpen lang po ang gamit ko. Then, magpi-print ako ng picture para maging tracing reference … Kadalasan at least 6 hours bago matapos ang isang piece depende sa reference at sa mga salitang gagamitin.”

Matapos i-drawing ang portrait, dito niya lalagyan ng mga pangalan ang artwork para mabuo ang text art. 

Nakagawa na rin siya ng text art ni Hidilyn Diaz, at balak din gawan ang iba pang Pinoy athletes na pambato sa Olympics.

Ibinida naman ni Bayan Patroller Rafael Martinez, mula sa Marilao, Bulacan, ang digital artwork na ginawa niya tampok ang winning moment ng boksingero.

Makikita rin na nasa background niya ang larawan ni Diaz na naunang nakakuha ng gold medal award sa weightlifting noong nakaraang linggo. 

“Tumatak lang po sa akin yung mga larawan nila … 'Yung iyak at hiyaw ng tagumpay … Ramdam po namin ang hirap at sakripisyo nila para makamit ang medalya para sa ating bansa," aniya.

"Maikukumpara natin ang paglaban nila sa laro ng buhay natin ngayon. Dasal ko po na makamit na rin natin ang medalya ng tagumpay sa paglaban natin sa COVID-19. Mabuhay po ang mga atletang Pinoy.”

Muli ring ipinakita ni Bayan Patroller Iroz Soriano, mula sa Palayan City, Nueva Ecija, ang suporta sa mga atletang Pinoy at mano-mano niyang iginuhit ang larawan ni Petecio gamit ang cellphone, sa loob ng 15 minuto.

“Ginawan ko po s'ya dahil 'yung hard work n'ya para masungkit ang gold medal ... proud pa rin po ako sa kanya dahil hindi rin po biro ang makakuha ng silver medal. Sobrang proud po ako sa kanya.”

Natalo ni Petecio ng kaniyang kalabang Japanese na si Sena Irie sa unanimous decision sa women's featherweight finals ng Tokyo Olympics nitong Martes. 

Ito ang unang silver ng Pilipinas sa Olympics ngayong taon. —Ulat nina Cielo Gonzales at Sarah Sales, Bayan Mo, I-Patrol Mo

 PANOORIN

Watch more on iWantTFC


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.