ALAMIN: Kailan mainam magpakabit ng dental braces?

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 03:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kailan nga ba dapat magpakabit ng dental braces ang isang tao? 

Ayon sa dentistang si Arleen Reyes, dating taga-pangulo ng Philippine Dental Association, dapat kasabay ng puberty stage ang pagpapakabit ng dental braces. 

Mas mainam ito aniya para masabayan ang paglaki ng katawan. 

"There is a standard ano sa babae dapat 11 anyos, 12 anyos naman sa lalaki... sinasabayan niyo 'yung growth period nila," ani Reyes sa "Good Vibes" ng DZMM. 

Pero kung maaari aniya ay dapat sa pagkakataong makitang sungki-sungki ang ngipin ay agad dapat itong ipa-check sa dentista. 

Maaari kasi aniyang mahirapan ang pasyente na ngumuya ng pagkain kapag hindi agad ito maagapan. 

Mahihirapan din aniya na maalis ang dumi sa ngipin kapag hindi pantay-pantay ang pagkakaayos nito. 

"'Pag ang ngipin ay patong-patong mahihirapang linisin ng mga pasyente ang kanilang ngipin, therefore, magsisimula ang pagkasira," aniya. 

"'Pag hindi maganda ang position ng ngipin baka po mahirapang ngumuya for some," dagdag niya. 

Ayon kay Reyes, inaabot ng dalawang taon ang pagpapakabit at pag-a-adjust ng mga goma ng braces. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.