ALAMIN: Paano makaiwas sa malas sa 'ghost month'

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2019 01:16 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinaguriang "ghost month," ang buwan ng Agosto, ang panahon kung kailan nagbubukas ang pinto ng impiyerno at nakakagala ang mga masasamang espirito, ayon sa isang feng shui expert.

Ayon kay Master Hanz Cua, ang simula ng ghost month ay Agosto 1 at magtatapos sa Agosto 29. Aniya, araw ng "hungry ghosts" ang Agosto 15, kung kailan pinaniniwalaang mas agresibo ang mga kaluluwang gumagala.

"Pinaniniwalaan sa Chinese na equivalent din yan sa undas. Bumabalik sila sa lupa upang maghanap ng entertainment maghanap ng taong mabibiktima para may biglang death o accident," ani Cua.

Para daw makaiwas sa malas sa "ghost month," pwede mag-alay ang mga tao ng pagkain kagaya ng manok, karne, kanin, pansit, prutas at pati beer para "mabusog" ang "hungry ghosts."

Ilang ritwal din ang ginagawa ng mga Tsino sa simula ng Agosto. Ilan sa mga ito ay ang pagtupi ng paper money habang nagnanais, at ang pagtugtog ang mantra para magdala ng maraming pera sa negosyon.

Nagpaalala si Cua sa mga tao na umiwas sa pagpasok ng bagong proyekto at sa pagbili ng bagong bahay, sasakyan, at ipa pang ari-arian sa Agosto. Aniya, umiwas din sa pagpapakasal at pagpasok sa bagong kontrata.

"Lilipat ng bagong trabaho, mag-oopen ng bagong negosyo, papasok sa isang deal, medyo iwasan muna natin...iwasan din natin ang pagpapa-surgery, possibility daw na mas lalong lumala ang sakit...also iwasan din natin ang pag-uwi ng gabi sa bahay," ani Cua.

Kung hindi ito maiiwasan, magsuot daw ng pulang damit o accessories sa mga araw ng ganitong mga transaksyon. Pwede din maglagay ng asin at bawang sa pintuan o bintana hanggang Agosto 29 para itaboy ang malas o multo.

Panatilihin din na maliwanag sa loob ng bahay, dagdag ni Cua. - Ulat ni Winnie Cordero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.