Ligtas bags, relief packs hatid sa 500 pamilya sa Sagnay, Camarines Sur

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2020 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Mayaman sa agrikultura at yamang-dagat ang Sagnay, Camarines Sur. 

Pero dahil sa pandemya, ang sariling mga produkto ay hindi nila mapagkakitaan kaya’t kinakain na lang nila ito. 

Sa ngayon, bawal pumasok ang mga hindi residente at pahirapan kasi ang paglabas ng kanilang mga produkto. 

“Ang source of income namin ay coconut, maisan, at tubo. Kapag benta namin ng ani ng mais nahirapan talaga kami. na-delay po,” ayon sa Barangay Captain na si Mirna Camilla. 

May-ari ng maisan at tubuhan ang pamilya ni Annie Maistrado. Sa loob ng ilang buwang lockdown, hindi nila alam kung paano babawi sa malaking lugi. 

"Mahirap talaga mam, lalo na umaasa lang sa tanim. Napakamura ng asukal. Mahal ang labor, mura ang bentahan,” ani Maistrado. 

Ganito rin ang sitwasyon ng mga residente ng isla Atulayan na pawang pangingisda ang hanapbuhay. Araw-araw ang huli ng isda pero hindi rin nila maibenta sa ibang bayan dahil sa lockdown. 

Madalas, sila na rin ang kumokonsumo ng sariling produkto para hindi magutom. 

“Malaki po ang epekto ng pagtitinda ng isda kasi ako po naglalako sa ibang barangay,” ani Eva Sadsad, isang residente. 

Sa kabila ng hamon sa hanapbuhay, nagpapasalamat ang mga residente na COVID-19 free ang kanilang lugar. 

Sa pagdalaw ng ABS-CBN sa Barangay Anyog at Isla Atulayan, binigyan ang mga nasa 500 pamilya ng relief packs at ligtas bags. 

Malaki naman ang pasasalamat ng mga residente. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.