Kathryn Bernardo, magpapatayo na ng kanyang dream house

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 12:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Magpapatayo na ng kanyang dream house si Kathryn Bernardo.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, ibinahagi ni Kathryn na isang lote na ang kanyang nabili na pagtatayuan ng kanyang bahay.

Noong nakaraang linggo ay nag-post ang ina ni Kathryn na si Min Bernardo sa Instagram ng retrato ng isang property kung saan naroon din ang aktres at nobyo nitong si Daniel Padilla.

May caption ang post na "soon."
 
Ayon kay Kathryn, tatlong taon na niyang nabili ang lupa at nito lamang nakaraang linggo ay sinorpresa niya ang kanyang ama nang dalhin niya ito sa nasabing lote kasama si Daniel.

"Dream ko talaga na mapatayo 'yung dream house namin ni Mama. Pero hindi kasi joke ang gagastusin, tapos ang daming priorities. ... So sabi namin baka next year. Tapos patagal na siya ng patagal bago masimulan. So last week, sinurprise namin si Papa na doon lang namin ipinakita na may nabili kaming lote. So first time niya," ani Kathryn.

"Maganda po ang lote. Sabi namin kay Papa, 'Ayan Papa, ito na ang nabiling lote.' So 'yung bahay tatrabahuin ko pa. 'Yung 'soon' alam ko gusto rin ni Mama na mapatayo na 'yung dream house na 'yon, so sana this year masimulan. Gusto ko kasi kapag nagpatayo ng dream house 'yung gusto na namin, 'yung nae-envision ni Mama kung ano ang gusto ko, lahat, sa buong family. So hopefully mag-start na 'yung construction soon. Kayod pa," ani Kathryn.

Samantala, bumisita si Kathryn sa "Magandang Buhay" para mag-anyaya na panoorin ang kanyang pelikula na "Hello, Love, Goodbye" kung saan leading man niya si Alden Richards sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina.

Ipapalabas ang inaabangang pelikula mula sa Star Cinema ngayong Miyerkoles, Hulyo 31.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.