Kalamansi at lemon mabisa kontra balakubak, blemishes

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2019 06:30 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi lang pala juice ang puwedeng gawin sa katas ng lemon at kalamansi kundi puwede rin itong gamiting pampaputi ng balat at pang-alis ng balakubak.

Ayon sa alternative medicine practitioner na si Dr. Susan Balingit, taglay kasi ng lemon at kalamansi ang Vitamin C at bleaching properties na nagpapaputi sa mga nangingitim na parte ng balat.

"Traditionally ginagamit ang kalamansi [bilang] pang-alis ng balakubak, pang-alis ng amoy ng katawan," sabi ni Balingit sa programang "Salamat Dok."

"Ginagamit din siyang pang-scrub kung nakakakita tayo ng blemishes ng skin. Ginagamit siyang pampaputi ng kilikili, ginagamit pampaputi ng katawan, ng siko," dagdag niya.

Pero bukod sa pampaputi, may iba pang mabuting dulot sa kalusugan ang lemon at kalamnsi.

Taglay ng 2 prutas ang isang uri ng antioxidant na nagpapalakas sa resistensiya ng katawan.

Nakatutulong din ang mga prutas sa pagtubo at pag-repair ng tissues, ngipin at buto, at nakapagpapababa ng altapresyon.

Mabisa rin ang lemon at kalamansi na panlaban sa pagkakaroon ng sakit sa puso at iron deficiency.

Ayon naman sa dietitian na si Dr. Mary Grace Macatangay, walang pinagkaiba ang Vitamin C ng lemon at kalamansi.

"Parehas lang po ang content ng Vitamin C ng lemon at kalamansi," aniya.

Nasa 500 miligramo ng Vitamin C ang puwede umanong ikonsumo ng isang tao kada araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.