PatrolPH

Ano ang dapat gawin kapag nakaranas ng midlife crisis?

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2019 06:18 PM

Nakaranas ka na ba ng anxiety o pagkabalisa sa mga nangyari sa iyong buhay at sa hinaharap dahil sa iyong edad?

Ang nasabing pakiramdam ay tinatawag na midlife crisis na, ayon sa isang psychologist, ay nararanasan dahil sa "state of mind" o pag-iisip ng isang tao.

Watch more News on iWantTFC

Ayon sa psychologist na si Dr. Lilian Ng Gui, kadalasang nararanasan ang midlife crisis ng mga taong nasa edad 40 pataas.

Pero, ayon kay Gui, puwede rin itong maranasan sa mas maagang edad gaya ng 30.

"Kasi wala naman talaga sa diagnosis ng mental health kung ano talaga ito," ani Gui. "Nasa state of mind ng isang tao iyon."

"For example, someone at the age of 36, 35 would think, 'Ay malapit na ako mag-40, matanda na ako,'" paliwanag ng doktora.

Kasama sa mga ikinababahala ng mga taong nakararanas ng midlife crisis ang kanilang hinaharap bunsod ng kanilang pagtanda.

"Nandoon 'yong mga insecurity at physically, alam na nila, nagsi-sink in na 'yong katotohanan na 'I'm already getting old, may mga bagay na akong di kayang gawin,'" ani Gui.

Ayon kay Gui, bukod sa edad, maaari ring maging ugat ng midlife crisis ang pagkakaramdam ng "pressure" mula sa ibang tao.

Ipinayo ni Gui sa mga tao na magkaroon ng positibong pananaw ukol sa kanilang pagtanda.

"Think positive. Age gives you wisdom, age gives you strength, age gives you the knowledge to understand things in a better perspective," aniya.

Mainam din daw sa mga taong may midlife crisis na subukan ang mga bagay na hindi nila ginagawa noon gaya ng pagkuha ng bagong libangan o paglahok sa sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.