PatrolPH

ASAP TLC: Bagger, sa resibo idinaan ang love notes sa naging asawa

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2018 06:31 PM

Watch more on iWant or iWantTFC

Sa resibo nakasulat ang halaga ng mga bilihin.

Pero para kay Joselito Villastique, sa resibo rin nakasulat ang katibayan ng pagmamahal at pagkalinga niya sa kaniyang misis noong nililigawan pa niya ito.

Tampok sa segment na "TLC" ng "ASAP" nitong Linggo ang kuwento ng mag-asawang Joselito at Milagros, na nagsimula nang makatrabaho nila ang isa't isa sa isang supermarket sa Ermita.

"Cashier ako, siya isang bagger. Sinasabihan ako [ng mga katrabaho namin] 'iyan na naman yung manliligaw mo, nakikipagpalitan ng counter,' kasi siya gusto niya maging bagger ako lagi," kuwento ni Milagros.

Para maipakita niya ang kaniyang pagmamahal kay Milagros, nag-susulat si Joselito ng mga "love notes" sa mga resibong naiiwan sa supermarket.

Hanggang ngayon, tinatago pa rin ng mag-asawa ang mga lumang love notes na ito.

ASAP TLC: Bagger, sa resibo idinaan ang love notes sa naging asawa 1

"'Pag nakakatanggap ako ng ganoong sulat siyempre kinikilig ako," ani Milagros.

Matapos ng isang taon, sinagot na ni Milagros ang kaniyang manliligaw.

"One year ako nanligaw eh nagkasakit ako. Dumalaw siya noon sa bahay, hindi siya kumikibo. Sabi ko 'Tayo na ano? hahalikan kita.' Hindi siya kumikibo [kaya] hinalikan ko... Eh 'di kami na," kuwento ni Joselito.

Pa-sekreto silang sumailalim sa civil marriage noong Pebrero 7, 1984. Matapos ng ilang buwan, nagpakasal naman sila sa simbahan.

Noong 1989, lumuwas si Joselito para maging seaman.

Minsang sinubukan ng pangagaliwa

Sa kabila ng nakakakilig na istorya ay hindi naging perpekto ang kanilang kuwento.

Naaktuhan kasi ni Milagros na may kausap na ibang babae si Joselito sa telepono nang sagutin nito ang isa pa nilang landline sa bahay.

Hindi alam noon ni Joselito na tatlo na silang magkausap sa linya.

"Nag 'I love you' iyong girl [kay Joselito]. Sabi ko sa babae 'i love you din'," kuwento ni Milagros.

Sa kabila nito, binigyan pa rin niya ng pagalawang pagkakataon si Joselito. Ngayon, 34 na taon na silang kasal at may dalawa silang anak.

"Sinabihan ko rin siya na 'huwag mong uulitin 'yun ganu'n' kasi may mga anak din tayo," aniya.

Inalay nina Erik Santos at Kyla ang awiting "Bakit Labis Kitang Minahal" ni Dingdong Avanzado para sa mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.