Paano makaiiwas sa UTI ang buntis?

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 08:01 PM

Isa sa pinakamadaling magkaroon ng urinary track infection (UTI) ay mga buntis, lalo't naiipit ang dinadaanan ng ihi habang lumalaki ang bata sa sinapupunan, ayon kay. Dr. Edwin Vismonte, isang urologist sa De Los Santos Medical Center. 

Kapag naiipit ang daanan ng ihi, mas nahihirapang lumabas ang mikrobyo mula sa katawan. Nagdudulot ito ng impeksiyon sa alinmang bahagi ng urinary track, gaya ng bato, pantog, ari, at 'urether' o ang tila straw na nag-uugnay sa bato at pantog. 

Maaari ring magkaroon ng UTI kung nagpipigil ng ihi at kung kulang sa walong basong tubig ang iniinom kada araw. Puwede ring pagmulan ng UTI ang maling pagpupunas sa ari ng babae pagkatapos umihi. 

Kapag napabayaan ang UTI sa buntis, lalong tumataas ang tiyansang makunan o malaglag ang bata. 

Puwede ring masira ang bato at tuluyang maipeksiyon ang dugo. 

Ilang sintomas ng pagkakaroon ng UTI ay ang pananakit ng puson o balakang, maya't mayang pag-ihi, mahapding pag-ihi, pagkakaroon ng malabo at mabahong ihi, at chills o lagnat.

Payo ni Dr. Vismonte sa mga buntis, lalo na sa mga malalaki na ang tiyan, matulog nang patagilid upang hindi masyadong maipit ang urether at pantog. 

Regular ding magpatingin sa doktor upang agad na magamot ang impeksiyon. 

Uminom ng maraming baso ng tubig, at huwag magpipigil ng ihi. 

Kapag magpupunas naman matapos umihi, siguraduhing gagawin ito mula harap papunta sa likod upang hindi na pumasok pa ang dumi sa ari. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.