KILALANIN: Pinay transgender, sundalo't modelo sa Amerika

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 04:31 PM | Updated as of Jul 29 2017 01:56 AM

Nabubuhay sa dalawang mundo ang transgender Pinay na si Akira Wyatt. 

Rumarampa siya sa runway bilang modelo ng mga mahuhusay na designer gaya ni Kenneth Barlis, samantalang nagsisilbi rin siya sa US Navy. 

Kuwento niya, hindi niya naisip na magiging modelo siya, ngunit masaya siyang nabigyan siya ng pagkakataong gawin ito. 

"It wasn't something that was in my sights. I always admired girls that was in the modeling industry. When I found out there was trans modeling, I was more intrigued about it."

Labinlimang taong gulang lamang ang tubong Cebu na transgender nang lumipat siya sa Estados Unidos. 

Apat na taon matapos siyang lumipat sa Estados Unidos, pumasok siya bilang isang combat medic sa US Navy. Aniya, sumali siya rito dahil alam niyang mayroon siyang obligasyong magsilbi sa kanyang pamilya at sa bansa. 

"In a way, I can be myself. I felt I was obligated to serve my country. The job that I have now is in a hospital, basically, medic, and I love doing a lot of medical work. I love serving with the Marines on the field," ayon kay Wyatt.

Kabilang sa Marine corps ang kanyang ama, at dahil dito, palagay ni Wyatt na kailangan niyang maging bahagi rin ng militar, hindi lamang para sa ama kundi pati na rin sa sarili. 

"My dad was part of the Marine corps, and it was something that had a strong presence in my family. I felt there was an obligation for me, not just for my family but for myself," aniya.

Tatlong beses nang isinabak si Wyatt bilang combat medic. Aniya, kahit pa siya ay isang transgender, hindi ito nakasasagabal sa kaniyang trabaho. 

Ibinibigay din niya ang 100 porsiyento sa lahat ng trabahong ginagawa niya bilang bahagi ng militar. 

Subalit ngayon, nanganganib ang kanyang pagiging bahagi ng militar. 

Naglabas kasi noong Miyerkoles ng tweet ang pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump na nagpapahayag ng pagbabawal sa mga transgender sa militar. 

Gayumpaman, habang hindi pa opisyal ang pag-uutos, patuloy pa rin umanong magtatrabaho bilang bahagi ng Marines si Wyatt. 

"Until it becomes signed law or policy of the Defense department, that I have to be kicked out or they reverse the ban on transgender, that's when another path of my life will open up. If not, I will be staying in the military as planned."

Isa lamang si Wyatt sa 15,000 transgender na kasapi ng militar na nangangamba sa magiging epekto sa kanila ng anunsiyong ito. -- Ulat ni Steve Angeles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.