PatrolPH

Dancing sekyu ng CDO, nagpasalamat sa followers sa pagsikat sa social media

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2021 02:16 PM | Updated as of Jul 27 2021 05:17 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA -- Ikinatuwa ng isang hotel security guard sa Cagayan de Oro ang natamo niyang instant fame matapos na mag-viral ang kaniyang video sa TikTok kamakailan.

“Nung sinayaw ko po 'yan, nagulat ako kasi one day pa lang siya, umabot na ng 10 million views,” ayon kay Gene Fernandez.

Sa panayam sa TeleRadyo Martes ng umaga, sinabi ni Fernandez na nag-umpisa siyang mag-TikTok noong nakaraang taon habang nasa ilalim ng lockdown ang Cagayan de Oro.

“Nung nag-lockdown kami dito sa Cagayan de Oro, nagsara po kasi 'yung hotel na pinagtrabahuhan ko. Saka para wala na rin stress, saka exercise na rin sa araw-araw kasi malaki na po kasi ako. Mahilig ako mag-TikTok, 'yun ang uso noon,” sabi niya.

Sa ngayon ay umabot na sa higit 700,000 ang followers ni Fernandez sa video sharing app.

Umabot naman sa 34.8 views ang video ng “What is Love” dance cover ni Fernandez na itinampok ng TikTok Korea sa Twitter account nito.

“Nakita ko po sa TikTok 'yung dance challenge kaya ginaya ko po. Hindi ko nga akalain na ganun nangyari sa video ko, nagustuhan ng mga nanonood kaya nagpapasalamat ako,” sabi niya.

Laking pasalamat din niya sa mga nag-share, nag-like at nag-comment sa kaniyang video.

“Maraming, maraming salamat talaga. Kung ‘di dahil sa inyo, hindi po ako sisikat sa social media,” sabi niya.

Tiniyak naman ni Fernandez na marami pa siyang nakalinyang video para sa kaniyang mga follower.

“Marami pa po akong gagawing sayaw. May iba pa akong dance challenge na gagawin po,” sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.