TINGNAN: 'Bridal bike' sinakyan ng bagong kasal sa GenSan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 03:56 PM | Updated as of Jul 28 2019 09:14 AM

Courtesy of Laurenz Suarez
Watch more in iWant or TFC.tv

GENERAL SANTOS CITY - Agaw-atensiyon ang bagong kasal na sina Ramil at Emerita Quicio sa Zone 2A sa Barangay Bula nang sumakay sila sa "bridal bike" papunta sa reception ng kanilang kasal noong Biyernes ng hapon. 

Sa kuhang video ni Laurenz Suarez, maririnig ang mainit na pagbati ng mga mahal sa buhay ng bagong kasal. 

Saglit pang natigil ang pagbibisikleta ng mag-asawa dahil na-flat umano ang gulong nito.

Higit 1 taong nagsama ang 63 anyos na si Emerita at ang 49 anyos na si Ramil bago sila magpakasal. 

Bago magkakilala, biyuda na si Emerita, isang zumba dancer na may 5 anak at 14 na apo. Single naman noon si Ramil, na nagtatrabaho bilang welder. 

May espesyal umano na kahulugan ang pagsakay nila ng bridal bike, ayon kay Emerita. 

"Araw-araw kasi 'yan ang gamit niya papunta sa trabaho sa construction. Kaya special sa amin kasi diyan kami nabubuhay sa tulong ng bike," pahayag ni Emerita.

Isinabay ang kasal sa kaarawan ni Emerita para mas tipid umano sa gastos ang mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.