ALAMIN: Iwas-scam tips kontra manlolokong recruitment agency

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 07:29 PM

Libo-libong Pinoy na ang nabiktima ng mga recruitment scam habang parami nang parami ang mga kababayang nag-aasam na makapagtrabaho abroad. 

Ilan ay namroblema sa sobra-sobrang placement fee, samantalang ang iba naman ay nakaranas ng pangakong napako, gaya ng malaking sahod at benepisyong naging bato dahil sa biglaang pagbabago sa kanilang kontrata pagdating sa ibang bansa. 

Nagbahagi naman ng tips ang ilang eksperto mula sa Europa, Estados Unidos, at Gitnang Silangan kung paano makaiiwas na maloko ng mga scammer. 

1. Makipagtransaksiyon lamang sa mga ahensiyang nakarehistro sa gobyerno.

Mayroong listahan ng mga rehistradong ahensiya ang Philippine Overseas Employment Agency na nakalagay online. 

Mainam na'ng dumaan sa mga accredited na ahensiya dahil mas pinagkakatiwalaan umano ito ng mga foreign employer, ayon kay Vijaya Sen, Human Resource Director ng Zulekha Hospital sa United Arab Emirates. 

2. Tumingin-tingin din ng iba pang ahensiya bago pa man tuluyang mag-apply. 

Huwag agad-agad na kunin ang pinakaunang trabahong iaalok, payo ni Andrew Lingo, marketing director ng Passport USA. 

Mainam din umanong tingnan kung ano pa ang maiaalok at kung may mga kailangan din bang bayaran sa iba pang mga ahensiya. 

Maaari ring tingnan kung ano ang performance rating ng ahensiya upang malaman kung mapagkakatiwalaan ba ito. Isa sa mga puwedeng tingnan ay kung mas marami at mas magaling ba silang magpa-hire ng mga empleyado. 

Kapag nakita na ang iba't ibang mga opsiyon, pagkumparahin kung magkano ang sinisingil ng bawat ahensiya, at kung ano ang maiaalok pa nila bago pa tuluyang makipagtransaksiyon. 

3. Magtanong kung bakit mayroon silang sinisingil. 

Bilang kliyente ng isang ahensiya, karapatan ng isang tao na tanungin kung anu-ano ang mga binabayaran. 

Huwag mahihiyang magtanong, dahil kung lehitimo ang isang ahensiya, maaasahang sasagutin nila agad kung paano nila gagastusin ang pera. 

Mayroon din namang ibang ahensiyang nagbibigay-serbisyo nang libre. 

-- Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.