Street sweeper na nakapagtapos ng kolehiyo bumida sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2020 03:14 PM

Watch more in iWantTFC

Ibinida sa "ASAP Natin 'To" ngayong Linggo ang inspirational story ng isang lola mula Batangas City na isinabay ang kaniyang pag-aaral sa pagtataguyod sa pamilya bilang street sweeper.

Inawit nina Jona Viray, Klarisse de Guzman, at Angeline Quinto ang "Lipad ng Pangarap" at "Patuloy ang Pangarap" para kay Ofelia Mondaya, 55, na kamakailan ay natupad ang pangarap nitong makapagtapos ng pag-aaral.

Nagtapos si Ofelia ng kursong business administration sa Colegio ng Lungsod ng Batangas.

Ayon kay Ofelia, Grade 4 lang ang natapos niya dahil hindi na siya pinatuloy ng kaniyang mga magulang sa kaniyang pag-aaral.

"Para po sa kanila, sapat na raw 'yong marunong sumulat at bumasa," kuwento ni Ofelia sa "ASAP."

Nakabalik sa pag-aaral si Ofelia noong 2014 sa pamamagitan ng Alternative Learning System ng Department of Education. Kalaunan ay nabigyan siya ng scholarship ng city government para makapag-aral ng kolehiyo.

Ayon kay Ofelia, kahirapan ang nagtulak sa kaniya para magtapos ng pag-aaral.

"Kailangan kong kumilos at may gawin upang maiangat ang pamumuhay ng aking pamilya," ani Ofelia, na 23 taon nang street sweeper.

"Nakita namin 'yong paghihirap ni mama, lalong-lalo na sa mga aralin niya. Hindi siya natutulog hangga't hindi ito natatapos," sabi naman ni Crizel, anak ni Ofelia.

Mensahe naman ni Ofelia sa mga kabataan: "Para sa mga kabataan, ipagpatuloy ninyo ang inyong mga pangarap. Huwag nating gawing dahilan ang kahirapan para huminto dahil ginagawa natin ito hindi lang para sa ating sarili, para din sa ating pamilya at sa ating kapuwa."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.