Viral 'What is Love' dance cover ng guard sa CDO, kinilala ng TikTok Korea

Sherwin Tinampay, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2021 09:57 PM

Tampok sa Twitter account ng TikTok Korea ang "What is Love" dance cover ng hotel guard sa Cagayan de Oro na si Gene Fernandez.

Nag-viral sa social media ang dance cover ni Fernandez sa kanta ng K-pop group na Twice na una niyang pinost sa video-sharing app na TikTok.

@genboy3

tiktokismypaborito#whatislovechallenge#goodvibes#fyp#Cdotiktokers#foryou❤️❤️❤️ Arat Na

♬ What Is Love - ahJOSHi

Sa ngayon, umabot na sa 33.1 million views ang video ni Fernandez.

Pitong taon nang security guard sa isang hotel sa Cagayan de Oro si Fernandez.

Nang magsimula ang COVID-19 pandemic noong nakaraang taon, nagdesisyong gumawa ng TikTok account si Fernandez.

"Nagpopost po ako ng videos pampawala po ng stress dahil sa pandemic. Exercise na rin." kuwento ni Fernandez sa ABS-CBN News.

Halos umabot na sa 700 thousand ang kaniyang followers at may daan-daan na ring video entries.

Hindi makapaniwala si Fernandez sa suporta ng netizens sa kaniyang mga videos at lubos ang kaniyang pasasalamat sa mga ito.

Nauna nang kinilala ng TikTok Philippines sa Facebook ang isang video entry ni Fernandez na mayroon nang 9.4 million views.