'Nagising naman, di umabot': Chavit may komento sa viral video nila ni Catriona

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 03:24 PM | Updated as of Jul 25 2019 07:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humingi umano ng paumanhin si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Chavit Singson kay Miss Universe 2018 Catriona Gray dahil sa muntik niyang pagtulog sa balikat ng beauty queen — isang pangyayaring nakuhanan ng video at nag-viral sa social media.

Kuha ang video noong laban ni Manny Pacquiao sa Las Vegas, kung saan si Gray ang nagwagayway ng bandila ng Pilipinas.

Mapapanood si Gray sa video na gumagamit ng smartphone habang unti-unting binababa ng tila patulog na si Singson ang kaniyang ulo sa balikat ng beauty queen, pero nagising ito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa panayam ng ABS-CBN News, ipinaliwanag ni Singson, isang business partner ng Miss Universe Organization (MOU), na may jet lag siya noong mga panahong iyon.

"Sabi ko, 'Sorry ha, tinulugan ko beauty mo,' kako sa kaniya. Tawa nang tawa," ani Singson.

Ayon kay Singson, sinabi sa kaniya ni Gray: "Hindi okay lang, next time ako naman matutulog sa iyo."

"Kararating lang namin, hindi ako nakatulog so jet lag. Nagising naman agad. Hindi lang umabot," ani Singson.

Si Singson at ang MOU ang nagdala kay Gray sa Las Vegas para sa laban ni Pacquiao.

Samantala, sinabi ni Singson na malaki ang posibilidad na idaos muli ang Miss Universe sa Pilipinas sa susunod na taon.

"Manila rin. Pero kako dapat may katulong din doon, hindi ako lang," aniya.

Nauna nang umugong ang pagdaos ng susunod na Miss Universe sa Dubai o South Korea pero kuwestiyonable raw ang swimsuit competition sa Dubai.

"Possible pa rin [sa Dubai] kung wala iyong swimsuit," ani Singson.

Tinitingnan din ang posibilidad na sa Qatar idaos ang timpalak.

Huling idinaos ang pageant sa Maynila noong 2016.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.