'It can happen again': Eksperto may payo kung dapat pagbigyan ang nagtaksil na partner

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 11:28 AM | Updated as of Jul 25 2019 11:41 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Pumutok sa social media nitong linggo ang makahulugang post ni Bea Alonzo na tila nagsawa na sa pagbibigay ng pagkakataon sa isang indibidwal na paulit-ulit na umanong nagkakamali. 

Ayon sa teorya ng fans, patungkol ito sa pangangaliwa umano ng kaniyang nobyo na si Gerald Anderson sa kapwa artista na si Julia Barretto.

Pero dapat pa nga bang bigyan ng second chance ang isang partner na nagtaksil?

Ayon sa wellness expert na si Dr. Lulu Marquez, unang dapat gawin ay kausapin ang nangaliwang partner at alamin ang ugat ng kasalanan nito.

Paliwanag ni Marquez na importante pa rin ang komunikasyon sa ganitong suliranin. 

"Kasi kung sila ang magkakatuluyan dapat tuloy-tuloy ang communication ng asawa. The more na mag-sweetheart kayo, the more that you continue communicating," ani Marquez sa programang "Sakto" ng DZMM. 

Ayon pa kay Marquez, maaaring may paliwanag kung bakit nangangaliwa ang isang tao gaya ng kinalakihang environment, lalo na kung nangaliwa na rin ang magulang. 

Pero ayon kay Marquez, na host din ng programang "Private Nights," maaaring humina ang tsansang mangaliwa ang isang tao kapag bumaba na ang hormones niya - gaya ng estrogen at testosterone. 

Pero aniya, kung hindi na kayang madisiplina ang partner sa pangangaliwa ay dapat manindigan na ang isa kung ano ang dapat gawin. 

"It can happen again. When they marry, it can happen again. Kung mapagpatawad ka o martir ka, nasa sa iyo na 'yon," ani Marquez. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.