PatrolPH

VIRAL: DIY graduation photoshoot ng Grade 6 student sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2021 04:26 PM

VIRAL: DIY graduation photoshoot ng Grade 6 student sa Iloilo 1
Larawan mula kay Jeraldene Maming.

MAYNILA — Hinangaan sa social media ang do-it-yourself (DIY) graduation photoshoot ng isang Grade 6 student sa Iloilo.

Simple lang ang photoshoot na pinagtulungan buuin ng isang pamilya sa Barangay Poblacion Ilawod, Passi City, Iloilo nitong Lunes para sa 11 anyos na estudyanteng si Adrian Franco.

Kwento ng tatay ni Adrian, tumanggi sila na mag-photoshoot sa studio at ginawa na lang ito sa bakuran para makatipid.

Makikita sa behind the scene picture na kinuhanan ni Bayan Patroller Jeraldene Maming, pinsan ni Adrian, ang pagtutulungan ng pamilya. 

 

Nakatayo si Adrian na naka-uniporme. Sa likod niya ay ang puting tela na hiniram sa kapitbahay at isinampay para magsilbing white background. Sa bakuran din sila nag-photoshoot para may natural light.

Ang ama ni Adrian ang kumuha ng litrato, habang ang kapatid na babae at tiyuhin naman ang nakatoka para hawakan ang puting kurtina.

Gagamitin ang picture para sa graduation tarpaulin ng eskwelahan.

“Mahilig po kasi ako kumuha ng stolen picture, hindi ko po akalain na maraming makaka relate,” ani Maming. 

Sa panayam ng Bayan Mo, I-Patrol Mo kay Adrian, nagpasalamat siya sa mga positibong komento ng mga netizen.

“Masayang masaya para po akong artista. Salamat sa inyong lahat,” ani Adrian.

Nakatakdang magtapos sa Passi I Central School si Adrian sa darating na Agosto.—Ulat ni Cielo Gonzales, Bayan Mo, I-Patrol Mo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.