21 anyos na putol ang kamay, binti nagpinta para sa tatay na maysakit

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 06:55 PM | Updated as of Jul 29 2020 08:02 PM

Kahit na naging mahirap sa simula dahil siko lang ang kaniyang gamit sa pagpinta ay nasanay din kalaunan ang 21 anyos na si Eric Muaña sa paggawa ng mga obra. Photo credits: Eric Muaña

CEBU - Gamit ang imahinasyon at color-combination nabuo ang mga obra na naglalaman ng mas malalim na kuwento mula sa angking galing ng 21 anyos na si Eric Muaña na taga-Cebu. 

Taglay niya ang talento sa pagpinta mula pa noong 6 na taong gulang siya. Wala man siyang mga kamay, hindi niya ito itinuturing na hadlang para palawakin pa ang kaniyang kakayahan. 

Watch more in iWantTFC

Kahit na naging mahirap sa simula dahil siko lang ang kaniyang gamit sa pagpinta ay nasanay din siya kalaunan. 

Isa sa mga naging obra niya ang mukha ng pambansang kamao at senador na si Manny Pacquiao. 

Ayon sa kaniyang ate na si Geyanne, bilib siya sa tapang ni Eric na ipakita ang kaniyang talento lalo't si Eric lang ang marunong magpinta sa kanila. 

Pero hindi maiiwasan ang pangungutya sa kaniya dahil sa kaniyang kalagayan. 

Hindi niya inaasahan na sa pagpipinta siya makakahanap ng paraan para makatulong sa pamilya sa madilim na bahagi ng buhay nila ngayong may pandemya. 

At nitong Hunyo lang ay na-ospital ang kaniyang ama. 

Kaya ang sabi niya, minarapat na lang niyang ibenta ang kaniyang mga painting para sa pagpapagamot ng ama. 

marami ang naantig sa kaniyang kuwento at nakalikom si Eric ng pondo pero hindi kalaunan ay pumanaw ang kaniyang ama. 

Hindi tumigil si Eric dahil alam niyang muling titingkad ang kulay ng buhay sa taong hindi nagpatinag sa mga pagsubok. 

-- Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.