MAYNILA - Abala ang mga jeepney driver sa Sampaloc, Maynila kahit tigil-pasada pa rin sila ngayong community quarantine dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Naisip ng seafarer na si Rico Unop na tulungan silang magsimula ng negosyo, lalo na ang mga driver na Dapitan-Baclaran ang ruta.
Ayon kay Unop, paggawa ng computer table ang naisip nilang gawin dahil magiging patok ito sa paglipat sa online classes ngayong school year dahil sa COVID-19.
Gamit ang bakal at plywood, bumubuo sila ng mga computer table.
Nililiha ito para kuminis tsaka pipinturahan.
Mayo nang simulan nila ito at nagkukuha na sila ngayon ng mga order online.
Aabot sa P3,700 ang kada lamesa na pinaghahatian ng siyam na manggagawa.
Ayon sa isa sa mga tsuper na si Frederico Quitlong, sakto lang ang kinikita nila para pangkain kaya mas gugustuhin pa rin niyang makabalik sa pamamasada.
Dati kasi, nakapagpapadala pa siya sa kanyang pamilya sa Bataan ng P2,000 kada linggo pero nahinto na ito mula nang magsimula ang community quarantine.
Ganito rin ang panawagan ni Jessie Escobedal na pinag-aaral na anak na kumukuha ng kursong accountancy pero hindi na tiyak kung maitutuloy pa ang pag-aaral dahil kapos sa pera.
Habang hindi pa tiyak ang kanilang kapalaran sa pamamasada, nagsusumikap muna silang mapunan ang demand ng nakukuhang orders sa social media ni Rico Unop.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
jeepney drivers, jeep, computer table, community quarantine, Sampaloc, Maynila, COVID-19, online, TeleRadyo, Tagalog news