PatrolPH

KILALANIN: Anak ng OFW na topnotcher sa pharmacist licensure exam

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2021 07:02 PM

KILALANIN: Anak ng OFW na topnotcher sa pharmacist licensure exam 1
Pangarap ni Deanne Marizthel Madrio na maging bahagi ng team na tumutuklas ng bakuna laban sa COVID-19. Deanne Marizthel Madrio

NAUJAN, Oriental Mindoro — Mahigit isang linggo na ang nakakaraan nang lumabas ang resulta ng June 2021 Pharmacist Licensure Examination pero hindi pa rin makapaniwala ang 22 anyos na si Deanne Marizthel Madrio na sa higit 2,000 kasabayang kumuha ng pagsusulit, siya ang mangunguna dito. 

Nakakuha siya ng 93.55 na average sa aniya ay napakahirap na exam na kaniyang kinuha.

"Before the exam ang aim ko is mag-top but after the last [part] of exam ang pinagpe-pray ko na lang is 'Lord just let me pass,' ganu'n kahirap 'yung exam na parang nag-doubt na rin ako na papasa ba ako o hindi," aniya.

Bago ang exam, 2 taon ring naunsiyami ang pagkuha niya nito dahil sa pandemya.

Dahil mag-isa lang ang kanyang inang OFW na itinataguyod ang pag-aaral niya, sinikap niyang magkaroon ng scholarship sa 4 na taon sa kolehiyo.

Taong 2019 natapos niya ang kursong Bachelor of Science in Pharmacy sa Lyceum of the Philippines University of Batangas. 

"Inspiration ko po talaga is 'yung Mama ko, na-witness ko po kasi talaga kasi 'yung struggle niya and kung gaano siya ka-strong, gusto ko pong mag-give back sa Mama ko, and talagang sana makauwi na siya," ani Madrio.

Proud rin ang lokal na pamahalaan ng Naujan sa naabot ng kanilang kababayan. 

Pangarap ni Madrio na maging bahagi ng team na tumutuklas ng bakuna laban sa COVID-19. 

"There are lot of person na kilala ko and mentors ko dati na naging part po ng development team especially dito sa Pilipinas po na nag-discover ng mga formulation for COVID-19 pandemic, I want to explore that field also," aniya.

Marami ang nag-aalok ng trabaho kay Madrio pero balak muna raw niyang magturo sa kolehiyong pinag-aralan para kahit paano ay maibalik ang mga naitulong nito sa kanya.

—Ulat ni Andrew Bernardo 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.