ALAMIN: Mga sintomas ng methanol poisoning

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2019 02:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pinag-iingat ng isang doktor ang publiko sa pag-inom ng alak, na maaaring maging sanhi ng methanol poisoning.

"Hinay-hinay sa pag-inom ng alak at hangga't maaari kung talagang hindi maiwasan, sana huwag mag-experiment," sabi sa programang "Salamat Dok" ng toxicologist na si Dr. Wency Kiat.

Ang methanol ay isang uri ng kemikal na hinahalo sa alak sa proseso ng paggawa nito pero dapat ay nawawala na ito kapag ibinebenta na ang inumin sa merkado, ayon kay Kiat.

Nasa 0.1 hanggang 0.2 porsiyento ng methanol lang umano ang kaya ng katawan ng tao dahil ito ay nakalalason.

Kabilang sa mga sintomas ng methanol poisoning ang mga sumusunod:

  • Pagsusuka
  • Pananakit ng tiyan
  • Pagkahilo
  • Paglabo ng mata

Bukod sa mga nabanggit na sintomas, maaari ring magdulot ng pagdudugo ng utak ang methanol, anang doktor.

Sinabi rin ni Kiat na hindi agad lumalabas ang mga sintomas ng methanol poisoning.

"Pagkatapos ng inuman wala silang nararamdaman, so normal pa. Kinabukasan after several hours, doon na sila magsisimula," ani Kiat.

Hindi rin daw agad nagpapatingin sa mga doktor ang mga taong nakararanas ng methanol poisoning dahil karaniwang iniisip ng mga nalalason na hangover lamang ito.

"Kapag naranasan mo iyon, sasabihin mo lang, dahil naranasan ka ng alak, hindi mo iisiping methanol ito," aniya.

Dalawang babae ang isinugod sa ospital kamakailan matapos umanong uminom ng Cosmic Carabao Gin, isang alak na nakitaan ng Food and Drug Administration (FDA) na may mataas na lebel ng methanol. Ang isa sa mga babae ay pumanaw kalaunan.

Ipinag-utos din ng FDA nitong Hulyo ang pagkumpiska sa mga tindahan ng Cosmic Carabao Gin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.