Paano pangalagaan ang kalusugan ng seniors sa gitna ng COVID-19 pandemic?

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 03:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA— Pinayuhan ng isang doktor ang mga senior citizen na magsuot ng protective gear at magpalakas ng resistensiya sakaling kailangan ng mga ito na lumabas ng bahay upang maiwasang mahawahan ng coronavirus disease (COVID-19).

Umapela ang geriatrician na si Cheridine Josef na manatili na lang sa kanilang mga bahay para maiwasang makuha ang COVID-19, na lalong mapanganib para sa matatanda.

"Pakiusap po huwag na tayo lumabas dahil tayo ay mabilis kapitan [ng COVID-19], dahil iyong ating immune system ay hindi katulad noong tayo'y bata pa," ani Josef sa programang "Good Vibes" ng Teleradyo.

Pero para sa mga senior citizen na hindi talaga maiwasang lumabas ng bahay, tulad ng mga may trabaho, mainam na magsuot ng protective outfit, ani Josef.

"Kung tayo ay talagang nagtatrabaho pa at wala naman tayong risk factor except for the age... We have to wear protective outfit like mask and face shield or goggles," sabi ng doktora.

Ipinayo rin ni Josef ang laging pagdadala ng alcohol o mga disinfectant.

Kapag nasa opisina, mainam umanong lumayo mula sa ibang tao at tiyaking may maayos na ventilation.

Nagbigay ng ilang paraan si Josef sa mga senior citizen para mapalakas ang kanilang resistensiya, na makatutulong laban sa COVID-19.

Kasama umano rito ang pagkain ng mga prutas, lalo iyong mayaman sa Vitamin C.

Mainam din umano ang pagpapaaraw tuwing umaga nang 30 minuto hanggang isang oras para makakuha ng Vitamin C.

Ayon sa doktora, mainam ding magpanatili ng aktibong lifestyle.

"Kailangan pa rin nating mag-exercise kasi kapag nag-exercise tayo, mas nagkakaroon ng magandang circulation sa ating katawan," paliwanag niya.

Makatutulong din umano ang pagpapabakuna laban sa flu at pneuomnia.

"Para po 'yong mga complications galing sa flu at pneumonia, hindi na makadagdag pa sa problema natin sakali mang magkaroon ng COVID," anang doktora.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.