PatrolPH

ALAMIN: Ligtas tips sa pagmamaneho tuwing umuulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 04:23 PM

Dumarami ang bilang ng mga aksidente sa daan tuwing panahon ng tag-ulan, ayon sa datos ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG).

“Hindi po ganoon kadali na magmaneho sa ulan lalong-lalo na sa mga highway. Minsan nga, nagzi-zero visibility ‘yong mga highways natin,” pahayag ni PNP-HPG Deputy PIO S/Insp. Jem Dellantes.

Dahil na rin sa mga basang kalsada, nakararanas ang mga motorista ng tinatawag na 'hydroplaning'.

“Nangyayari ang hydroplaning kapag matulin ang takbo [ng sasakyan]. So ‘yong friction between the tire and the road nababawasan,” paliwanag ng driving expert na si Bert Suansing.

“Hindi nakakapit nang husto ang gulong sa kalsada dahil mayroong thin film of layer [ng tubig] between the road at gulong, kaya ang tendency niyan ay parang lilipad,” ani Suansing.

Ipinaliwanag naman ni Suansing sa pamamagitan ng isang simulation ang mga dapat gawin kung biglang mawalan ng kontrol sa minamanehong sasakyan.

“Kung halimbawa, nag-skid pakaliwa ang sasakyan, huwag mo apakan agad ‘yong preno kasi mas lalong delikado ‘yon. Ang gawin mo, alisin mo ‘yong paa mo sa accelerator tapos banayad mong apakan ‘yung preno,” ani Suansing.

“Banayad mong kokontrahin yung manibela mo pakanan naman. Kasi ‘pag binigla mo ‘yon tapos kumapit yung kanang gulong mo, ang tendency ng sasakyan ay pipihit na naman ‘yon.”

Pinayuhan naman ng mga awtoridad ang mga motorista na inspeksiyunin ang sasakyan bago magmaneho upang maiwasan ang hydroplaning,

“Dapat po nating pananatilihing malinis at maintained ‘yong sasakyan na walang sira. We should see to it na ‘yong mga lights ng sasakyan natin ay well-powered,” payo ni Dellantes.

“Kailangan nasa kondisyon ‘yong mga tires natin, na hindi po pudpod kasi ‘yon po ang nagiging sanhi ng mga disgrasya tuwing tag-ulan.”

Para sa karagdagang tips, sundan ang Red Alert sa Facebook page (www.facebook.com/RedAlertABSCBN) at Twitter account (@abscbnredalert).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.