13 anyos na tumayong magulang sa kapatid hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 05:06 PM | Updated as of Jul 19 2019 05:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa halip na pag-aaral ang inaatupag, nakatutok ang 13 anyos na binatang si Manuel Olivares sa pag-aalaga sa tatlong nakababatang mga kapatid sa Trece Martires City, Cavite.

Labing-isang taong gulang si Olivares nang maulila sila sa kanilang ina dahil sa sakit, kasabay nito ay iniwan naman sila ng kanilang ama.

Mula noon, inako na ni Olivares ang responsibilidad bilang magulang sa kaniyang mga kapatid kahit wala siyang ideya kung saan sila kukuha ng ikabubuhay nila.

Tumigil si Olivares sa pag-aaral at nanghihingi siya ng mga mangga na ititinda. Nangangalakal din siya para lang may maiuwi siyang pagkain para sa mga kapatid.

"'Pag kumakain kami, wala pong ulam. Nalulungkot po ako, kawawa naman 'tong mga kapatid ko, minsan po toyo ang ulam namin," kuwento niya.

"Minsan po, 'pag hindi ako pinapayagang manguha ng mangga, mangangalakal na lang po,” kuwento ni Olivares.

May nakatatandang mga kapatid si Olivares pero may mga pamilya na rin kaya limitado ang naibibigay na tulong sa mga kapatid.

"Sa ngayon po, hirap din kaming mag-asawa at sa tuwing kakain kami, parte-parte lang kami sa pagkain. Dadamihan na lang naming 'yong sabaw para marami po kaming makain, minsan naman naglulugaw na lang o walang maalmusal. Sobrang hirap din po ng walang magulang," pagsasalaysay ni Evita Aron, ate ni Olivares.

Ngayon na papasok na ang ilan sa kapatid ni Manuel, doble-kayod siya sa pangangalakal at pagtitinda ng mangga para may mabili siyang school supplies.

Lingid sa kaalaman ni Manuel ay may mga nais silang matulungan.

Hinatiran ng Imus Terminal Mall ng mga paninda, groceries, home supplies gaya ng unan at mattress si Olivares, habang binigyan ng bag, school supplies, at uniform ang kaniyang mga kapatid.

Para sa iba pang kuwento ng inspirasyon, sundan lang ang Mission Possible sa kanilang Facebook page.

--Ulat ni Raymond Sakiwat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.