Dating 'palaboy', may-ari na ng 3 eskuwelahan

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 08:31 PM | Updated as of Jul 19 2017 01:27 AM

Kuwento ng pag-asa at pagpupunyagi ang ipinamalas at gusto ngayong ibahagi ni Armando de Guzman, dating palaboy na ngayon ay may-ari na ng ilang eskuwelahan.

Walang kinagisnang ama at bunso sa 10 magkakapatid si De Guzman. Pitong taong gulang lang din siya nang iwanan sa iba't ibang bahay-ampunan ng inang may cancer.

“There were times na nasa infirmary ako lagi, lagi akong may sakit kasi… tapos 'pag nagigising ka, nagagalit ka bakit ka pa nagising, nakuha mo 'yon?” salaysay ni De Guzman.

Anim na taong tiniis ni De Guzman ang kanyang sitwasyon, hanggang sa nagpasya na lang siyang tumakas sa edad na 13 anyos.

Naging palaboy man, hindi pa rin nawala ang kanyang pangarap kaya't pinilit niyang magtapos ng pag-aaral sa tulong ng mga taong patuloy na naniniwala sa kanyang kakayahan.

Bilang sukli sa mga natanggap na biyaya, nag-ipon siya ng sapat na halaga para magpatayo ng eskuwelahan na nag-umpisa sa isang silid-aralan. Layon nitong tumulong sa mga batang kapos sa buhay na nais mag-aral.

“Ang ginawa ko una kailangan makaipon ako ng enough fund to start this. Siguro ‘yung pinagsama-sama kong trabaho ‘yun nga pati paglalako ng manga, pagtuturo ng swimming, pagtitinda, after 3 months, nakaipon ako around P600,000 so sabi ko, 'Uy, it's time for me to start the school!' So nag-rent ako d’yan ng isang maliit na classroom, doon nagsimula,” kuwento ni De Guzman.

“I started with preschoolers so with 15 students ako lahat nagtatrabaho… hindi lang ako nagtuturo,” dagdag pa niya.

Ngayon, tatlong eskuwelahan na ang naipatayo ni De Guzman at patuloy siya sa kanyang misyon na maimpluwensiyahan ang marami pang kabataan.

-- Ulat ni Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.