Babae sa nag-viral na 'wagas na pag-ibig' na kasal, pumanaw na

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 04:17 PM | Updated as of Jul 17 2019 07:27 PM

Pumanaw na ang babaeng nakipaglaban sa sakit na stage 4 gastric cancer, tatlong araw matapos na matupad ang pangarap na makasal sa kaniyang high school sweetheart sa bayan ng Toboso sa Negros Occidental.

Ayon kay Mica Yago, alas-5:30 ng umaga pumanaw ang pinsang si Rea Lumanog sa kanilang bahay sa tabi ng kaniyang asawa, ina at kapatid.

Dagdag ni Yago, ang lamay ni Rea ay gaganapin sa kanilang bahay sa Purok Malinawon sa Barangay Poblacion.

Hulyo 14 nang mag-isang dibdib sina Rea at Gabriel sa San Antonio de Padua Church sa kabila ng pinagdadaanang sakit.

Isa si Yago sa mga kamag-anak at kaibigan na tumulong sa preparasyon sa kasal ng dalawa.

Siya rin ang nag-post sa Facebook ng kasal nina Rea at Gabriel na ngayon ay umani na ng halos 3,000 reactions.

Agosto ng nakaraang taon nang ma-diagnose si Rea na may stage 4 gastric cancer.

High school sweethearts silang dalawa at nagkahiwalay ng landas nang magtrabaho bilang inter-island seaman si Gabriel at sumabak naman sa ibang bansa si Rea.

Nagkabalikan sila matapos na mahanap ni Gabriel sa Facebook si Rea.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Gabriel, humiling pa itong matulungan siyang maipakita sa espesyalista ang asawa para sa namamaga nitong mga paa.

Pero sa kabila ng kanilang pinagdaanan, binanggit ni Gabriel na tanggap niya ang anumang mangyayari sa kanilang dalawa. -- May ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.