ALAMIN: Paano masasabing may overactive bladder?

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 04:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng may overactive bladder ang isang taong madalas makaramdam ng pangangailangang umihi, ayon sa mga eksperto.

"Ang pagiging overactive [bladder] ay iyong stimulus, urge o pakiramdam na naiihi ka na mas madalas doon sa normal," anang urologist na si Dr. Vanessa Geron sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

"Naiihi ka kahit kakaunti pa ang laman ng pantog mo," dagdag niya.

Isa sa mga katangian ng overactive bladder ay ang "biglaang pakiramdam na naiihi ka na hindi mo siya kayang ipagpaliban o i-postpone," ani Geron.

Puwede ring masabing overactive bladder base sa "frequency" o kung gaano kadalas naiihi ang tao sa isang araw.

Ang "normal frequency" ng pag-ihi ng tao kada araw ay 8 beses, ani Geron, pero nakadepende pa rin ito sa dami ng iniinom.

Pero nilinaw ni Geron na may ibang salik sa madalas na pag-ihi gaya ng mga stimulant na kape, tsaa, at alak.

Naihahalintulad din ang overactive bladder sa urinary incontinence o iyong kondisyon na hindi na nakokontrol ng tao ang pag-ihi, ayon sa urologist na si Dr. Joseph Lee.

"Ibig sabihin, may leak, may tulo, bago ka pa pumunta sa banyo, parang naihi ka na," ani Lee.

Pero hindi raw gaya ng incontinence na walang kontrol, sa overactive bladder ay may kakayahan pa ang tao na pigilan ang kaniyang pag-ihi.

"[Sa] overactive, mayroon tayong urgency, parang may time frame o period," paliwanag ni Lee.

Inaalam ng mga doktor ang "detailed history" ng pag-ihi ng pasyente bago masabi kung overactive bladder ang nararanasan.

Kabilang umano sa "detailed history" ay ang dami ng iniinom, pagitan ng oras ng pag-inom at pag-ihi, at iba pa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.