PatrolPH

'Ashfall paintings': PWD gumagamit ng abo ng Taal para sa mga obra

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2021 06:39 PM | Updated as of Jul 17 2021 06:54 PM

'Ashfall paintings': PWD gumagamit ng abo ng Taal para sa mga obra 1
Tinawag ng PWD na si Dennis Aquino ang kaniyang mga obra na "ashfall paintings." Dennis Datu, ABS-CBN News

MAYNILA — Sa harap ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Taal, isang 36-anyos na lalaki na may kapansanan sa pandinig ang nakahanap ng paraan para kumita sa Sitio Lodlod sa Tanauan City, Batangas.

Ang mga naipon na abo na ibinuga ng Taal na makikita sa paligid ng kanilang bahay ang ginagamit ni Dennis Aquino para magpinta.

Ang kaniyang mga ipinipinta ay ang mga imahe ng bulkan na tumatak sa kaniyang isip noong pumutok ito noong Enero 2020.

Watch more on iWantTFC

Ayon kay Aquino, noong pumutok muli ang Taal nitong Hulyo, nangamba siya at ang kaniyang pamilya para sa kanilang kinabuksan kaya naisip niyang subukan ang pagpipinta gamit ang abo ng bulkan.

Tinawag niya itong "ashfall paintings."

Hindi makapaniwala si Aquino na ang abo ng Taal na nagdulot sa kanila ng paghihirap ay ito rin ang kaniyang magagamit para bumangon.

Naibebenta ni Aquino ang kaniyang bawat obra sa halagang P300 hanggang P400 bawat isa.

Ayon sa ina ni Aquino, 15 anyos ang kaniyang anak nang magsimulang mawala ang pangdinig pero hindi na nila naipagamot dahil sa hirap ng buhay.

Hiling ngayon ni Aquino na mabili ang lupa na kinatatayuan ng kanilang bahay at maipaayos ang kanilang tirahan.

Mensahe ni Aquino sa mga kapwa biktima ng pagputok ng Bulkang Taal ay huwag mawalan ng pag-asa.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.