83 anyos na lola hataw pa rin sa pamamasada ng pedicab sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 09:11 PM | Updated as of Jul 15 2020 11:19 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Noong Sabado, matapos magbasbas sa isang sumakabilang-buhay, sumakay ang Bayan Patroller na si Fr. Carlo Soro sa isang pedicab pabalik ng kaniyang parokya sa Barangay Polo, Valenzuela. 

Napabilib siya sa nagmamaneho ng pedicab na isang 83 na babaeng si Federacion Villalon, o "Lola Fedeng" na 43 taon nang nagpapadyak. 

Kuwento ni Villalon kay Soro, pumapasada siya mula alas-9 hanggang alas-11 nang umaga. 

Ang kinikitang P100 kada araw ay ipinapambili niya ng ulam nilang mag-asawa. 

"Namangha po talaga po ako. Sapagkat sa mga katulad po niyang may edad ay patuloy pa rin pong lumalaban sa buhay. Kaya naman po sa pagkaantig ng aking puso po, naisip ko na [makipagpanayam sa kaniya] para kumustahin po ang kalagayan po niya at mabigyan po ng pag-asa ang kapwa natin na hindi po dapat sumuko," kuwento ni Soro. 

Kuwento ni Villalon, tatlo ang kaniyang anak pero dahil mayroon na silang mga sariling pamilya, mas pinili niyang hindi na umasa ng tulong sa kanila. 

May sakit at mahina na rin ang kaniyang mister kaya't hindi na nito kayang magtrabaho pa. 

"Nakakahiya naman po kasing mamalimos ako, eh kaya ko pa naman pong maghanapbuhay," kuwento ni Villalon. 

Ikinuwento rin ni Villalon ang sikreto sa kaniyang kakaibang lakas sa kabila ng kaniyang edad. 

"Ang Panginoon. Una akong kumakapit sa kanya, Hindi niya po ako pinababayaan. Gabayan niya ako para hindi muna ako humina," ani Vilalon. 

Sa gitna nito, nananawagan ng tulong si Villalon sa sino mang nais magpaabot ng tulong sa kanilang mag-asawa. 

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.