'Sinulog Queen' na nagbebenta ng kakanin, umani ng papuri sa social media

Sharon Evite, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 04:03 PM

Hindi maitago ni Sisa Balan ang pagmamalaki sa kanyang 17 anyos na dalagitang apo na si Monika Afable.

Ito ang makikita sa mga nai-post niyang mga larawan sa social media.

Ayon kay Sisa, hindi daw kasi ikinakahiya ng kanyang apo ang paglalako ng pilipit at buchi kahit pa nangingitim na ito dahil sa matinding sikat ng araw.

Ang mga larawang kanyang ibinahagi sa social media ay malayo sa glamorosong imahe ng dalagita sa tuwing sumasali sa mga beauty pageant.

Nitong Enero lang, tinanghal si Monika na Sinulog Queen 2020.

 

"Diri po ako naawud kay asya man it makakabulig hit akon pamilya para ha pan adlaw adlaw nga gastos. Iton beauty po pwedi mag-fade nga iton fame madali la mawara, pero iton nahiaraan nga pagbulig hiton pamilya ngan pag paaid hiton kapobrihan habang buhay po adi hit ak kasingkasing ngan diri ko ikakaawud kon hin o ako ngan diin po ak nagtikang," sabi ni Monika sa kanyang text message.

(Hindi po ako nahihiya kasi 'yan ang paraan para makatulong ako sa pamilya ko sa pang-araw-araw na gastos. Ang beauty puwedeng mag-fade. Ganoon din ang fame, madaling mawala. Pero ang kinalakihan kong pagtulong sa pamilya sa gitna ng kahirapan, habangbuhay na nandito sa puso ko. Hindi ko ikakahiya kung sino ako at kung saan ako nagmula.)

Kwento ni Monika, kinalakhan na niya ang paglalako ng pilipit at buchi simula noong nasa Grade 4 pa lang siya. Pinagtutulungan nila ng kanyang lola ang paggawa ng kakanin na kanyang nilalako.

Huminto lang umano sila sa paggawa ng mga ito noong mag-lockdown dahil sa banta ng COVID-19. Pero ngayong pinaluwagan na ang health protocols, balik ulit sa paggawa at pagtinda ang mag-lola.

Ayon kay Monika, ang kanilang kita sa pagtitinda ng pilipit at buchi ay napupunta sa pang-araw-araw na gastos. 

Nais din daw niyang makapag-ipon ng pera para may maibigay sa kanyang lola na nagpalaki sa kanya, at para na rin sa kanyang nalalapit na 18th birthday ngayong Agosto 14.

Maliban sa pagtulong sa kanyang lola, tumutulong din si Monika sa pag-aalaga ng nanay ng kanyang lola. Tumulong din siya sa pangangalap ng relief goods nang manalasa ang Bagyong Ambo sa Eastern Samar nitong Mayo.

Ngayong panahon ng pandemya, hinikayat ni Monika ang ibang kabataan na gumawa ng paraan para makatulong. 

"Take the opportunity to recreate yourself during this pandemic. Don't stop dreaming. Dreams do come true for those are determined in chasing their luck. And no matter how many times we fall, we are always willing to stand with dignity," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.