Libo-libong estudyante nahandugan ng mga school bag, supplies

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 05:54 PM

Masayang ipinakita ng ilang estudyante ang mga bag na nakuha nila mula sa ABS-CBN Foundation. Handout photo

Libo-libong estudyante mula sa 27 probinsiya sa Pilipinas ang nakatanggap na ng mga school supplies sa loob ng pitong buwan.

Bahagi ito ng proyekto ng ABS-CBN Foundation Inc. na pinamagatang "Gusto Kong Mag-Aral," kung saan namahagi ang grupo ng 50,000 school bags na naglalaman ng kompletong supplies. Isinagawa ito mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.

Kabilang sa mga probinsiyang dinayo ang Bulacan at Masbate sa Luzon, Leyte at Iloilo sa Visayas, at Compostela Valley at Sulu sa Mindanao.

Naglalaman ang mga bag ng mga notebook, lapis, ballpen, krayola, pantasa, pambura, at sipol na puwedeng gamitin ng mga bata para pantawag-pansin sa panahon ng peligro.

Kabilang sa mga nakatanggap ang Grade 2 student na si Prince Jared Calanduyan, na ikinatuwa ang pagbigay sa kaniya ng bag dahil hindi na niya raw kailangang humingi pa ng pang-school supplies sa kaniyang mga magulang.

"Isang malaking pagpapala" naman kung ituring ng Grade 6 student na si Erika Mallari ang pamamahagi sa kaniya ng bagong supplies.

Nasira kasi ang kanilang bahay at kagamitan dahil sa paglindol na nadama sa lugar nitong taon.
 
“Noong nakita ko po na punit-punit po ang mga notebooks ko, halos maiyak po ako. Nawalan po ako ng pag-asa. Pero sinabi lang po sa akin ng magulang ko na pumasok pa rin po ako at huwag gawing hadlang ang nangyari para makapagtapos po ako,” ani Mallari.

Ito na ang ikatlong taon na isinagawa ang proyekto. Nasa kabuuang 250,000 school bags na ang ipinamahagi.

Kung nais makatulong sa pamamahagi pa ng school bags ay maaaring mag-donate ng P350 sa Sagip Kapamilya Foundation.

Maaari ring makipag-ugnayan sa social media accounts ng Sagip Kapamilya sa Facebook, Instagram, at Twitter o pumunta sa website ng ABS-CBN Foundation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.