Lingkod Kapamilya: Shower van handog sa mga Coast Guard na nagbabantay sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 08:22 PM | Updated as of Jul 10 2020 09:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Abala ang tropa ng Philippine Coast Guard sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 para matiyak na walang makalulusot na pasaherong may coronavirus disease 2019. 

Pero dahil sa ilang buwan na ring pagpapatupad ng kanilang tungkulin, naapektuhan na ang ilan sa kanilang pangangailangan. 

Tolda at mga bakal na higaan ang nagsisilbi nilang pahingahan magmula noong na-assign sila sa lugar noong Abril. 

Ito ay para umalalay sila sa koordinasyon ng mga pasaherong balik-Maynila na kailangang sumailalim sa rapid test, swab test, at quarantine. 

Kulang sa pasilidad ang Manila International Airport Authority para sa matagalang pananatili ng maraming tao sa mga terminal. 

Naapektuhan na rin ang pangangailangan ng mga taga-Philippine Coast Guard. 

“Dito muna sila nagsho-shower, at saka yung personal necessities nila... Walang shower ito, only water closet and urinal para sa drivers and other persons using this parking,” ani Ricardo Medalla, Engineering General Manager ng Manila International Airport Authority 

Sumulat ang MIAA sa programang “Failon Ngayon” ng ABS-CBN para sa isang shower van, na agad namang tinugunan ng ABS-CBN Sagip Kapamilya. 

May dalawang kuwarto para sa babae at lalaki ang shower van na may tig-6 na shower stalls. 

“Pinapasalamatan namin nang malaki ang ABS-CBN na pinahiram kami nito, hindi sila magsisiksikan sa comfort room,” ani Medalla. 

Ayon kay Marcel Rinon, deputy director ng ABS-CBN Sagip Kapamilya, maituturing malaking ginhawa ito para sa mga tropa ng Coast Guard. 

“Minsan nakakaligtaan ang sanitation, hygiene, ng ating mga kapamilya. Malaking kaginhawahan to sa atin at sa kanila, na makita na malinis ang pangangatawan nila, buo ang dignidad nila dahil natutugunan ang basic needs nila,” ani Rinon. 

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.