Kapamilya fans tuloy ang pagsuporta sa ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 09:07 PM

Watch more in iWantTFC

Kahit huminto sa pag-ere ang Channel 2, TVPlus, at Sky Direct ng ABS-CBN, todo suporta pa rin ang Kapamilya fans sa iba't ibang paraan.

Nagtahi ng face mask ang Bayan Patroller na si Johnny Medrano mula Cuenca, Batangas. Hango ito sa kulay ng Kapamilya network na pula, berde at asul mula sa retaso.

Ito'y bilang suporta sa network sa gitna ng pag-apply nito ng prangkisa sa Kongreso.

Binebenta niya ang mga mask sa halagang P40 kada piraso. Ang kita ay iniipon ni Medrano para makabili ng sariling wheel chair at pambayad ng tuition fee ng 3 niyang anak.

Dating finalist si Medrano sa Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino noong 2014.

Hiling niya ay makabalik na sa ere ang Channel 2 para mas marami pa itong matulungan na nangangailangan.

Sa isang tula naman ibinuhos ni Mariel Rubenecia ng Santo Tomas, Batangas ang kaniyang pagmamahal sa Kapamilya network.

Nais niyang ibahagi ang mensaheng hindi sila nawawalan ng pag-asa na muling mapapanood ang mga paboritong palabas sa TV.

Nagpaabot din si Rubenecia ng simpatiya sa libo-libong empelyado ng ABS-CBN, na nanganganib ang kabuhayan dahil sa shutdown.

Gumawa naman ng Kapamilya art cards at stickers si Jarred Gaviola ng Muntinlupa City, kasabay ng pakiusap sa mga kongresista na bumoto pabor sa franchise renewal.

Bilang patuloy na pagsubaybay sa mga Kapamilya show, sa iWant app sa cellphone na lang nanonood si Norman Belino ng Naujan, Oriental Mindoro.

Hindi na muna ginagamit ni Belino ang TV sa bahay.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.