Paggamit ng orchestra sa SONA 2019, isinusulong

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2019 08:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinusulong ang paggamit ng orchestra sa State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 22.

Ayon kay Joyce Bernal, na magdidirek muli ng SONA, kailangang ibahin na ang timpla ng okasyon.

"We want it grand. Sana nga may magandang music na live," ani Bernal sa gitna ng ocular sa Batasang Pambansa ngayong Lunes.

Pangarap umano ni Bernal na marinig ang pagtugtog ng orchestra ng "Lupang Hinirang."

Unang na-propose ang paggamit ng musika sa SONA sa pista ng Bocaue, Bulacan noong nagdaang weekend, kung saan itinampok ang Philippine Philharmonic Orchestra (PPO).

Sinuportahan ang panukala nina Sen. Joel Villanueva at Cultural Center of the Philippines President Nick Lizaso, na siyang nagma-manage ng PPO.

Hihintayin na lang umano ni Lizaso ang approval ng Office of the President, na siyang nangangasiwa sa CCP.

Ayon naman sa Radio-Television Malacañang (RTVM), bukod sa mas maliwanag na lighting at paggamit ng mas malaking LED monitor, hinahanda na rin ang Mindanaoan telang "inaul" para magsilbing backdrop sa presidente. 

Ikinatuwa naman ng Davao designers ang pahayag ni Davao City Mayor at presidential daughter Sara Duterte-Carpio na susuportahan niya ngayong taon ang Davao designers sa paggawa ng kanilang SONA outfits.

Iginiit din ni Bernal na hindi siya magpapabayad sa kaniyang serbisyo sa SONA. -- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.