Celebrities tampok sa mga likha ng Pinoy doll repainter

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2019 02:36 PM | Updated as of Jul 08 2019 02:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May kakayahan ang Pinoy doll repaint artist na si Noel Cruz na "magpasikat" ng mga manyika.

Mula sa mga ordinaryong manyika, inaalis ni Cruz ang pintura sa mga mukha nito para pinturahan ng mga mukha ng mga artista — isang libangang kalaunan ay napagkakitaan niya.

Tampok sa star-studded na koleksiyon ni Cruz si Emma Watson na nakabihis gaya ng kaniyang karakter sa pelikulang "Beauty and the Beast," Angeline Jolie sa "Maleficent," at Heath Ledger bilang Joker sa "The Dark Knight."

Ayon kay Cruz, taong 2001 nang maisip niyang simulan ang pagre-repaint ng mga manyika.

"This was just by accident. Kasi my wife has been a collector of Barbie dolls. Naghahanap lang ako ng gift para sa kaniya na doll and then I happened upon this doll na very intricate 'yong paint ng face niya," sabi ni Cruz sa programang "Matanglawin."

"As a portrait artist, it's fascinated me na you can actually create realistic portraits using your doll's face as a canvas."

Ilang lokal na artista na rin ang ginawan ni Cruz ng bersiyon ng kaniyang mga manika. Kasama rito sina Pia Wurtzbach, Catriona Gray, Kathryn Bernardo, at Liza Soberano.

Ikinuwento ni Cruz na kumukuha muna siya ng manyikang may hawig sa artistang nais niyang gawing manyika.

Matapos umano ito ay aalisin niya ang original factory paint sa mukha ng manyika bago pinturahan gamit ang acryllic paint.

Inaabot ng 3 araw hanggang isang linggo para matapos ni Cruz ang isang manyika at nakagagawa raw siya ng 6 na manyika kada buwan.

Nagkakahalagang $1,250 o higit P63,000 ang mga commissioned na manyika ni Cruz.

Naibebenta rin niya ang mga manyika sa online auction sa halagang hindi bababa sa $350 o higit P17,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.